Baklerbolista

by Sankage Steno

Ang sakit pa rin ng kaliwang dede ko dahil sa sinalihan kong basketball match kagabi kasama ang mga kaopisina at kalaban ang mga tagaibang kumpanya. Dalawa o tatlong beses yata akong nasiko o siniko, di ko na alam, habang nasa loob at dumedepensa. Namamaga rin yung hinliliit ko dahil nadaplisan ng inaagaw kong bola.

Pero ayos lang. Maligaya ako.

Take note. Hindi lang ako basta masaya o nalibang o nag-enjoy sa paglalaro ng basketball. Ako ay naligayahan. Mas malalim ang hugot. Magkukwento ako nang maikli lang tungkol sa aking kabataan para maintindihan mo kung bakit.

Noong bata pa ‘ko, sobrang taba at sobrang tangkad ko. Kung ‘yung mga kaedad ko ay tatlong talampakan pa lang, ako ay nasa lima na sa edad na siyam o sampu. Dahil sa height ko, ang laging bungad sa ‘kin ng mga tao, ng mga kamag-anak, ng mga kaibigan ng magulang ko ay eto, “Tangkad ah. Pwedeng basketbol player paglaki.”

Naumay ako. Dahil iyon ang laging sinasabi ng mga tao sa ‘kin, hindi ko ginawa. Nonconformist pala ako kahit noong bata pa lang. Hahaha! Pero hindi lang ‘yon ang dahilan. May isa pa. At alam na alam n’yo nang lahat ‘yon kung lagi kayong nagbabasa ng blog ko o kung kakilala kita talaga:

Bakla ako.

Para sa akin, ang basketball ang simbolo ng pagkalalaki, ng patriyarka, ng machismo, ng lahat ng toxic at masama sa pagiging isang lalaki. Bilang isang contact sport na dominated ng mga lalaki, ganyan ang naging tingin ko sa larong ‘yan. At dahil bakla ako, kinasuklaman ko ‘yung sport dahil di naman ako lalaki talaga.

Ang babaw lang, ‘no? Sa unang tingin, oo. Pero kung isa kang batang bakla na mataba, maraming insecurities sa katawan, hindi pa tanggap ang sarili, lumaki sa isang katolikong pamilya at komunidad, at maraming galit sa mundo, hindi s’ya mababaw. Basketball ang isa sa naging kinatawan ng pagkamuhi ko sa buhay dahil ipinanganak akong bakla sa mundong dominado ng mga lalaki.

Anong nabago? Bakit napapayag ako ng kaopisina kong sumali sa larong basketball kagabi kahit hindi naman talaga iyon ang sport ko at alam naman nilang hindi ako sanay. Alam din nilang bakla ako. Anyare bigla?

Mahaba ‘yung sagot pero paiikliin ko na lang dahil uwian ko na. Hahaha!

Nag-out ako years ago. Unti-unting kong tinanggap ang sarili ko bilang isang bakla. Tinanggap ko ang katotohanan sa kabila ng takot na baka isuka ako ng pamilya ko o ng lipunang ito. Unti-unti rin, nabawasan yung insecurities ko sa sarili. Nabawasan yung pagkamuhi ko sa buhay. Nawala ang galit ko sa mundo.

Dahil do’n, lalo kong tinanggap ang sarili ko bilang ako. At dahil tanggap ko kung ano at sino ako, as cliched as it sounds, wala na akong “pakialam” sa kung ano ang magiging tingin sa akin ng ibang tao. Which, turns out, was not bad at all. Lahat ng kinatakutan ko noong hindi pa ako out, hindi nangyari.

Nagkamali ako ng paniwala.

Tinanggap ako ng mga taong mahalaga sa buhay ko. Nakaya kong intindihin yung mga taong hirap umunawa sa kalagayan naming mga bakla. In short, mas nag-mature ako. At dahil dito, nabago ang pananaw ko sa napakaraming bagay, pati ‘yung tingin ko sa basketball dati na laro lang ng mga straight na lalaki.

Maling-mali ako.

Kaya ngayon, ready na ‘ko sa isa pang match. Hindi na ‘ko nahihiyang makipaglaro sa mga “lalaki.” Handa na ‘kong makipagsabayan. Wuw! Hahaha! Seriously, handa na ‘kong mag-box out, mag-rebound at maglaro sa basketball court ng buhay. Ang cheesy, ‘no? Pero maligaya ako ngayon. Saka ansarap kayang magpapawis with the boys. Hihi.

Advertisements