Masterclass: Paglalagom sa YA literature

by Sankage Steno

Litrato ni Lampara Books.

Photo courtesy of Lampara Books

Natutuwa ako sa reaksyon ng mga dumalo sa Masterclass ko kahapon tungkol sa pagsusulat ng Young Adult stories o kwentong pangkabataan na bahagi ng Pista! Pambansang Komperensiya sa Panitikan Pambata. Natuwa rin ako dahil ang ganda ng venue. Napakasosyal ng sala sa Precious Events Center sa Sto. Domingo, Quezon City.

Gusto kong ibahagi rito ang ilan sa mga tinalakay ko sa panayam, pati na rin ‘yung mga sagot ko sa magagandang katanungan ng mga manunulat at gurong dumalo sa Masterclass. Hindi naman kasi ako madamot. Gusto kong dumami pa lalo ang nagsusulat at nagbabasang mga Pilipino.

Una, ipinaliwanag ko kung ano ang YA literature. Ang panitikang pangkabataan ay mga kwento na ang target audience ay 12-20 years old o ‘yung edad kung kailan nag-aaral pa ang tao. Kadalasan, teenager ang bida nito at tumatalakay sa mga suliranin o concerns ng isang nagbibinata o nagdadalaga.

Sabi ng marami, mababaw lang daw ang YA. Mali iyon. Hindi mababaw ang pamomroblema sa mental health o sa sexual identity o sa early pregnancy o sa kahirapan o sa problema sa pamilya. Lalong hindi maliit na bagay ang problema sa puso. Isipin mo, kung ikaw na matanda na at nakipag-break sa kasintahan ay halos mamatay sa sakit, pa’no pa ‘yung teenager na first time mawawasak ang puso?

Hindi simpleng bagay ‘yon.

At dito pumapasok ang YA literature para magbigay-linaw, magpaliwanag at magturo tungkol sa mga ganitong usapin nang hindi nagiging preachy at nananatiling nakakalibang pa rin o entertaining. Mahusay ding transition ang YA sa pagbabasa ng libro mula children’s books to adult books.

Ang pangit naman kung magsisimula ka sa Charlotte’s WebMoymoy Lulumboy tapos ang susunod mo nang babasahin e Xerex Fifty Shades of Grey.

Hiram lang din natin ang konsepto ng YA sa mga Amerikano. Sila ang pasimuno ng marketing tactic na ito dahil marami sa mga nagbabasa at bumibili ng libro ay young adult o kaya ay teenagers.

Sa katunayan, ito ay isang category at hindi talaga genre tulad ng horror, romance, sci-fi, atbp. Ang YA story ay pwedeng magpatalun-talon sa iba’t ibang genre tulad ng mga nabanggit ko. Pwede ring multigenre tulad ng rom-com o fantasy-drama na isinusulat ko.

Litrato ni Lampara Books.

Photo courtesy of Lampara Books

Mga Tanong
Isa sa mga nakuha kong tanong ay kung paano ko raw kino-compensate o binabayaran ‘yung mga beta readers ko, o ‘yung mga taong una kong pinapabasa ng kwento o nobela bago ko i-edit at i-submit sa publisher ang akda.

Sabi ko, ‘yung isa kong beta reader, binalatuhan ko after manalo sa Lampara last year. ‘Yung iba naman, nililibre ko ng dinner o coffee, o kaya ay nireregaluhan ko ng libro. Minsan naman, barter system. Kapag nagpabasa ako ng gawa sa kanila, sinusuklian ko rin ng serbisyo. So kapag sila naman ang may pinasulat o pina-edit, di ko na sinisingil.

Saka madalas naman ay natutuwa sila sa mga isinusulat ko. Nagpapasalamat pa nga sila at sila ‘yung unang nakabasa ng obra ko. Ang saya ‘pag gano’n. Kabayaran na ring maituturing ‘yon.

Ang isa pang magandang tanong na nakuha ko ay kung paano ko napagsasabay-sabay ang pagtatrabaho at pagsusulat ng mga kwento o tula.

Sabi ko, pinaghusay ko ang aking kakayahan sa trabaho sa loob ng ilang buwan o taon para mabilis kong magawa at matapos ang mga dapat tapusin sa araw-araw. Madalas, half day lang, tapos na ‘yung trabaho ko. Kaya naman ‘yung natitira pang oras ay ginugugol ko sa pagsusulat ng fiction o poetry o nonfiction.

Dagdag ko pa, ginagamit ko ang traffic sa EDSA para makapagsulat at/o makapagbasa. Lagi akong may baong notebook, ballpen at libro sa bag. At talagang humahanap ako ng oras o pagkakataon para makapagsulat kahit kaunti sa isang araw. Kapag kasi gusto mo ang ginagawa mo, hahanap ka talaga ng paraan.

Parang pag-ibig. If you love someone/something, you make time for that special someone/something.

Sabi ko rin sa kanila, ituring dapat nila ang pagsusulat na trabaho o work. Hindi ka dapat maghintay lang ng inspirasyon o ng muse bago magsulat. Pigain mo ang utak mo. Magsulat ka kahit kaunti o kahit pa pangit ‘yan. Ang kagandahan naman kasi sa pagsusulat, pwede mo s’yang balikan at i-edit.

Editing ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagsusulat. Your first draft is always your worst draft kahit pa ang turing mo sa mga gawa mo ay baby mo.

Huwag Tumigil
Naramdaman kong naging matagumpay naman ako sa masterclass na ito dahil sunud-sunod ang tanong ng mga dumalo sa akin at kinapos ang isang oras para magpalitan at magbahaginan kami ng tanong at kaalaman. Nakita ko sa mga pagtango nila at sa curiosity nila na talagang interesado silang matuto at gusto nilang magsulat.

Iyon lang naman din ang gusto kong iwan sa kanila. Write. Ituluy-tuloy lang ang pagsusulat dahil kailangan natin ng maraming taong nag-iisip at nagbabahagi ng kaalaman at karanasan sa nakakalibang na paraan. Ito rin ang pinapangarap ko para sa Pilipinas, ang magkaroon tayo ng Ginintuang Panahon ng Pinitikang Pilipino.

Matutupad lamang ito kung lalo pang dadami ang mahuhusay na Pilipinong manunulat at kung lalo pang tatangkilikin ng mamamayan ang ating mga isinusulat. Marami pang hamon ang dapat lampasan para maisakatuparan ito, pero naniniwala akong makakamit natin ito sa nalalapit na panahon. Isang bagay lang naman ang mahalaga at kinakailangan sa ngayon…

Magsulat.

Litrato ni Lampara Books.

Photo courtesy of Lampara Books

Advertisements