Butternut at iskrambol

by Sankage Steno

Wala pa ring tatalo sa butternut ng Dunkin’ Donuts kahit na anong klase at brand pa ng doughnut ang magsulputan sa Pilipinas. Lagi’t lagi pa rin akong bumabalik sa paborito kong flavor na kinalakhan ko na rin.

Take note, ha? Butternut ang favorite ko of all time, pero gustung-gusto ko rin naman ‘yung choco butternut. Second choice ko s’ya palagi kapag wala o naubusan na ‘ko ng butternut sa store.

Dalawa lang naman ang dahilan kung bakit paborito ko s’ya. Una, masarap. Sa panlasa siguro ng iba, weird s’ya o kakaiba at di ganu’n kasarap, pero para sa ‘kin, gusto ko ‘yung pagka-weird n’ya. Bagay na bagay sa personality ko. Hahaha! Pangalawa, sumasaya ako ‘pag kinakain ko s’ya.

Image result for butternut donut dunkinTRIVIA: Hindi po coconut o peanut o hazelnut o kahit na anong nut ang nasa butternut at choco butternut. Ang nagbibigay ng kakaibang lasa at amoy dito ay walang iba kundi NUTmeg.

DISCLAIMER: Best friend ko na graduate ng HRIM sa UP ang nagsabi sa akin n’yan, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong mahanap na proof na nutmeg nga s’ya at hindi coconut gaya ng akala ko noon. Pero naniniwala akong nutmeg nga s’ya.

Isang pagkain lang siguro ang makakatapat sa butternut sa pagiging masarap (sa panlasa ko) at sa pagbibigay sa ‘kin ng kakaibang saya. Malamang nahulaan mo na kasi nakalagay sa title.

So, tama ka: Iskrambol.

Kilala rin sa pinasoshal na tawag na ice scramble. Pero mas gusto ko ‘yung Pinoy na Pinoy na iskrambol. Halatang pangkalye kasi. Parang ugali ko lang, asal-kalye. Charot! Mababait po ang mga asal-kalye talaga, medyo may pagkabalahura nga lang kung minsan. Hahaha!

(Hindi ko sure, ha? Ewan ko kung bakit gusto ko ‘tong mga pagkaing ‘to. Siguro dahil they remind me of my childhood? Siguro dahil matatamis sila? O dahil weird lang talaga ang panlasa ko? O baka dahil isip-bata pa rin ako kahit lampas trenta na ang edad ko? Or all of the above?)

Kaya naman sobrang saya ko nu’ng Sabado nang pumunta ako sa Tagaytay para sa kasal ng isa sa mga matalik kong kaibigan. Pagkababa kasi namin sa fruit market, may nakita akong naglalako ng iskrambol. Syempre, niyaya ko agad ‘yung kasama kong bumili ng iskrambol (kahit pa di n’ya ‘yon favorite).

Ang saya lang. Sobra. Kaso nga lang, kulang ng Hershey’s na chocolate ‘yung kulay-dilaw (alam ko pink s’ya) na iskrambol sa Tagaytay. Baka dahil sa Train Law kaya nagbawas ng sangkap si kuya. Kakalungkot lang.

Pero kahit na kulang pa ‘yung ingredient sa iskrambol na nilalako ni kuya, ayos lang. Masarap pa rin s’ya. At feeling ko, lalo pa s’yang sumarap. As in! Kahit anlamig-lamig na sa Tagaytay, sobrang sarap pa ring mag-iskrambol.

Alam ko naman kung bakit lalong sumarap s’ya sa panlasa ko. Kasi ba naman, matapos ang halos dalawang dekadang pagkain ko ng iskrambol (o ng butternut o ng kahit ano pa) nang MAG-ISA kapag may nasasalubong na nagtitinda sa gilid ng kalsada, sa wakas, may kasama na ‘kong kumain. 💙

Image result for iskrambol

Advertisements