Tanga naman

by Sankage Steno

May ishe-share lang akong mga katangahan ko lately bilang tapos na sila at nakapag-reflect na ‘ko nitong nagdaang holiday break. Saka warm up ko na rin ‘tong pagba-blog para du’n sa sinusulat kong kwento.

Last year, bago ako nag-Christmas break, kumain ako du’n sa lagi kong kinakainang sosyal na turo-turo sa may Dela Rosa St. sa Makati. Umorder ako ng dorado na bistek worth P95. E dahil hate na hate ko ‘yung P200 bill, ‘yun ang ipinambayad ko sa kahera. Tapos sinuklian n’ya ‘ko ng limang piso.

Sa katangahan ko at dahil sa puyat nu’ng araw na ‘yon, nawala sa isip ko na 200 nga pala ‘yung binigay ko at hindi sandaang piso. Lagi na lang napapagkamalan ng mga tao ‘yung 200 na 100 lang, kahit sa bus. Ilang beses na ‘kong nalugi dahil hindi nasuklian ‘pag dini-dispose ko ‘yung malas na bill na ‘yon na pakana ni GMA.

O, di ba? Deserve ng perang ‘yon ang hatred ko.

Hindi ko na kinuha ‘yung sukli dahil 1) inisip ko na lang na tip ko sa kanila ‘yung sukli at 2) tinamad na ‘kong lumabas ng office at bumalik sa sosyal na turo-turo.

Then, nu’ng hapong ‘yon, nu’ng pauwi na ‘ko sa bahay, sumakay ako ng ordinary bus at nagbayad ng P21 pesos para kako saktong sampung piso ‘yung sukli. P11 na kasi ang minimum fare sa ordinary bus. E dahil malas nga ako nu’ng araw na ‘yon, nagkataong walang barya ‘yung konduktor.

As in wala talaga kahit singkong duling. So ‘yung binigay kong piso para sakto ang sukli, nabalewala. Tangina lang, di ba? Tapos, ‘yung konduktor, sa kahihintay ng pasaherong magbabayad ng barya sa kanya, nakalimutan na ‘ko. Alam mo ‘yung feeling na iritable ka habang nakasakay sa bus at inaalala ‘yung sukli mong di pa binibigay?

Naisip ko, jusko, kapag minamalas ka nga naman. So ang ginawa ko, nu’ng makarating na ‘ko sa babaan ko, hindi ko na siningil si kuyang konduktor. Di ko na ipinagpilitan pa ‘yung sampung pisong sukli ko. Inisip ko na lang ulit na pamasko ko sa kanya ‘yon.

Then, habang naglalakad pauwi ng apartment, naisipan kong kumain muna ng siomai para kako di na ‘ko lalabas mamayang gabi. Masama na kasi ang pakiramdam ko dahil sa puyat. Feeling ko e lalagnatin ako. Anyway, bumili ako ng siomai sa may kanto sa ‘min worth P20. Nag-abot ako ng singkwenta kay ate. Sinuklian naman n’ya agad ako ng trenta at ipinatong sa gilid ng lalagyanan ng toyo.

Sa sobrang katangahan ko at pagkabangag, nakalimutan kong damputin ‘yung sukli. Naalala ko na lang nu’ng nakauwi na ‘ko sa bahay. E dahil madali lang namang balikan ‘yung sukli, binalak ko pang balikan nga. Pero naisip ko, shet, pangatlong kamalasan ko na ‘to ngayong araw sa sukli-sukli na ‘yan, itodo ko na kaya?

Ayun, tinodo ko nga. Hindi ko na binalikan ‘yung trenta pesos. Inisip ko na lang na pamasko ko ‘yun kay ateng tindera. Saka ang sama na talaga ng pakiramdam ko. Gusto ko na lang mahiga, matulog at mag-Mobile Legends. Kebs na sa pera. Mababawi ko rin naman ‘yon in the future.

So ayun, dahil sa katangahan ko at senior moments nu’ng araw na ‘yon before ng bakasyon ko, nagawa kong palakihin kahit kaunti ang kita ng mga maliliit na negosyante at manggagawang Pilipino sa lugar ko. Nakapag-tip ako sa karinderya nang di sadya. Naparami ‘yung bayad ko sa konduktor sa bus. At nabiyayaan ko ng konting pangkabuhayan si ateng tindera ng siomai.

Kahit pa sobrang sama ng pakiramdam ko dahil nilagnat ko nu’ng gabing ‘yon at dahil sa sunud-sunod na kamalasan ko sa sukli, after giving it some thought, natuwa na rin ako. May magandang naidulot naman sa ibang tao ‘yung katangahan ko.

Litrato ni Smart Padala.

Advertisements