Sankage Steno

Ganun talaga.

Tag: Martial Law

Batas Duterte

May mga nagsasabing gagamitin daw ng rehimeng Duterte ang sunud-sunod na pagpatay sa mga lokal na opisyal nitong nagdaang linggo at ang tangkang destabilisasyon daw ng mga komunista para palabasing nanganganib ang bansa. Ito raw ang magiging mitsa para tuluyang isailalim sa martial law ang buong Pilipinas.

May katotohanan naman ‘to kung ang basehan natin ay ‘yung Marcos playbook.

Pero meron pang isang playbook ang pamahalaan ito: ‘yung kay Duterte. At kung sisiyasating mabuti ang mga pangyayari sa kasalukuyan, mukhang nasa kalagitnaan na tayo ng librong ‘yan.

Alam mo kasi, kahit pa hindi magdeklara ng batas militar itong si Duterte sa buong bansa, para na rin tayong may martial law.

Kita mo, kaliwa’t kanan ang patayan, tuluy-tuloy ang pagbulusok ng piso, pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, tinatanggal o ipinakukulong ang mga tumutuligsa sa gobyerno, panay ang pangungutang ng pamahalaan, at walang humpay sa pagpapayaman ang mga pulitiko at crony nila.

Inuulit ko, nangyayari na ang mga ito kahit pa walang martial law.

Tawagin natin itong ‘Batas Duterte’ kahit parang mali dahil hindi naman sumusunod sa batas ang pangulo natin, pati na rin ang kanyang mga tagasunod. O sumusunod lang sila sa batas kapag pabor iyon sa kanila. Kapag hindi, #balakayojan.

Ang kulang na lang siguro ay ipapatay ni Duterte ang isang “Ninoy” ng ating panahon. Hindi ko pa alam kung sino iyon. Pupwedeng ang mga senador na sina Trillanes at De Lima. Pwede rin namang si Chief Justice Sereno. O kaya ay ang ating bise presidente, si Robredo.

Huwag naman sana.

Ang problema kasing nakikita ko, kahit pa may isang malaking personalidad sa oposisyon na ipapatay si Duterte o ang mga kampon niya, walang People Power na mangyayari. Kung meron man, hilaw. Bakit? May tatlong dahilan akong nakikita:

  1. Walang Cardinal Sin o simbahang may “balls” para kumalaban sa gobyerno. Cardinal Tagle ba kamo? Ummm, parang hindi.
  2. Fake news at ang utak-DDS. Sasabihin ng pamahalaang destabilization plot lang iyon ng mga Dilawan at maniniwala pa rin ang milyong Pilipino.
  3. EDSA fatigue. Tingin ko, sawa na ang mga tao sa script ng People Power dahil wala naman daw nangyayari. Ganu’n at ganu’n pa rin ang Pilipinas.

Sana mali ako sa tatlong ito, at sana mali ako sa umiiral na Batas Duterte sa ating bansa. Pero mas umaasa akong mali ako sa pag-iisip na wala nang pake ang mamamayang Pilipino sa panggagago ng ating gobyerno. ‘Yun bang, tanggap na nilang gagaguhin sila kaya tiis-tiis na lang hanggang kamatayan.

Image result for batas duterte

Kuwento ng Kalsada

Dahil nagbunga na ang halos isang dekadang paghihirap ko at nakamit ko na sa wakas ang validation na kaya kong magsulat ng magandang nobela, panahon na para bumalik sa panibagong paghihirap. Syempre, inaasahan kong magbubunga rin ‘to ng magandang bagay balang araw, kahit pa abutin ng isa, dalawa o kahit ilang dekada.

Ibang hirap naman ‘tong tinutukoy ko, hindi sa pagsusulat. Ito ay yung pagbalik ko sa kalsada para ipaglaban ang ating karapatan at kalayaan kahit pa ayaw ng mga bayarang trolls at inutil na pulitiko ng mga ganitong bagay. Hindi ko naman gagawin ‘to para sa kanila. Gagawin ko ‘to para sa sarili ko, para sa mga minamahal ko at, syempre pa, para sa bayan.

Kaya asahan mo na ‘ko sa Huwebes, ika-21 ng Setyembre, sa Luneta. Umulan man o bumagyo, pupunta ako roon para ipanawagan ang hustisya para kina Kian, Carl, Reynaldo at iba pang kabataang hindi na makakapagbasa ng mga kwentong sinusulat ko dahil ninakaw na sila sa kalagitnaan ng dilim. Ipagsisigawan ko rin ang pagtutol sa nakaambang pagbabalik ng diktadurya at pasismo sa ating bansa.

Kung magkamali man ang diablo sa Malacanang na ideklarang holiday ang araw na iyon, asahan n’yang lalong dadami ang pupunta sa Luneta para tuligsain ang mga nakamamatay niyang polisiya. Aasahan ko na rin ang threat sa aming seguridad. May kutob kasi akong sasamantalahin ng gobyerno ang rally para gumawa ng gulo. Tapos ay isisisi nila ito sa mga komunista para ma-justify ang pagdedeklara ng martial law sa buong bansa.

Huwag lang sana akong mahagisan ng granada at mamatay o maputulan ng kamay o paa.

Ayoko rin namang mawalan ng kakayahang makapagsulat ng mga kuwentong pupukaw sa damdamin ng maraming Pilipino. Pero hindi ko naman hahayaang mapigilan ako ng sariling takot para hindi ituloy ang pagbabalik-kalsada ko sa Huwebes. Sana hindi ka rin matakot. Sana ay masamahan mo ‘ko. Magkita tayo sa Luneta at sama-samang lumaban.

P6,250,000,000

Lahat ng mga chenes na nangyayari sa kasalukuyan—yung P1,000 budget umano ng CHR, yung kaliwa’t kanang patayan ng mga bata at suspected drug user/pusher, yung pagdedeklara daw ng martial law next week—ay para lang maalis yung atensyon natin sa isa pang mas malaking balita… yung koneksyon ni Duterte sa P6.25 bilyong shabu shipment na nasabat sa Customs.

Nakakatawa lang, di ba? Pangako ni Dutertae na wawakasan n’ya ang droga sa bansa in 3 to 6 months. Hindi n’ya nagawa. Humingi s’ya ng another 3 to 6 months, di pa rin n’ya nagawa. Tapos sa huli, imposible naman daw talagang matanggal ang droga sa Pilipinas. Totoo naman. Kasi nga, s’ya mismo ang Drug King sa bansa. Imagine, P6 bilyong shabu? May gahd! I hate drugs!

Ulul!

Kung hindi nahuli yung shabu shipment na ‘yon, imagine kung ilang Pilipino ang mabebentahan n’yan. At kapag nabentahan na at kumita na si Duterte, imagine kung ilan ulit yung ipapapatay n’ya dahil sa paggamit ng drogang sa kanya din naman nanggaling. Technically, sa China. Pero di ba “kakampi” na natin ngayon ang China? Thanks to their ambassador, Rodrigoon Dutertae.

Kaya ang sarap pagtatadyakan sa mukha yung mga patuloy na sumusuporta sa diablong ito. Hindi naman kasi nila talaga mahal ang bansa. Si Dutertae ang mahal nila. Hindi ko lang makita kung ano ang kaibig-ibig sa halimaw na ‘yan. Feeling ko kasi, kahit yung yumao n’yang ina (na lumaban kay Marcos noong martial law) e itatakwil s’ya kapag nakita yung mga pinaggagagawa at narinig yung mga pinagsasasabi n’ya ngayon.

Nakakasuka.

Nauubusan na talaga ako ng masasamang salita na masasabi sa administrasyong ito. Pero mabuti na rin sigurong maubusan ako ng salita. Tutal naman, martial law na raw ulit next week, at least di na ‘ko makakapagsabi ng kahit anong masama kay Dutertae. Nalubos ko na dito sa blog ko, thank you very much.

Ang nakakalungkot lang, baka mapilitan akong burahin o itago ang blog ko kapag natuloy ang pagdedeklara ng batas militar. Ayoko naman kasing matulad kina Kian Loyd Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo “Kulot” De Guzman o Michael Angelo Remecio. Gusto ko pang mabuhay.

Pero anong laban ko sa gobyerno, di ba? Sila nga, kahit may “war on drugs” nakuha pa ring magpapasok ng P6.25 bilyong halaga ng shabu sa bansa. Iba rin!