Sinulat ko ang 2020

by Sankage Steno

Bago pa dumating ang COVID-19 sa Pilipinas, sinimulan ko nang isulat ang pinakamahabang nobelang binalak kong tapusin noon pa lang 2019. Isa ito sa tatlong resolution ko last year at siyang tanging naisakatuparan ko. Ang nobelang ito ay tinawag kong “Kalasag ni Bathala” at isang YA novel set in precolonial Philippines.

Dahil nakapagsulat ako ng nobelang may mahigit 100,000 words, lalo akong ginanahang magsulat pa ng ibang bagay. Naisip ko, kung nagawa ko ito kahit nakalockdown, magagawa ko ang kahit na ano. At totoo nga. Nakatapos ako ng isa pang nobela ngayong taon. Tinawag ko itong “Sayaw ng mga Anino,” isang katatakutang kuwento na nakaset sa kasalukuyan: a pandemic horror story.

Sobrang proud ako sa nobelang ito dahil isinulat ko s’ya habang nakalockdown ang aming bahay. Nagka-COVID kasi ang isa kong kamag-anak na nagtatrabaho sa ospital sa karatig-bayan. Kung alam n’yo lang ang kaba at ligalig na naranasan ko at ng aking pamilya araw-araw dahil sa nangyaring ito sa amin, marahil ay mas mauunawaan ninyo ang sinasabi ko.

Ang nakakatakot at nakakastress na karanasang ito ang nagtulak sa akin upang mabilis na matapos ang ikalawa kong nobela para sa taong 2020. Sabi ko sa sarili, kung mamamatay na ‘ko ngayong taon, dapat ay makapagsulat ako ng isa pang nobela. True enough, nagawa ko. At gumaling ang kamag-anak kong tinamaan ng COVID-19.

Nagsunod-sunod ang tagumpay ko sa mga isinulat ko ngayong taon. Oo, walang Palanca Award this year. Wala rin ang karamihan sa mga writing workshop. Pero maraming call for submissions. At isa sa mga unang magandang balitang dumating ngayong taon ay ang pagkakatanggap ng aking nobelang “Si Aris sa Tagsibol ng Damdamin” na una nang nagwagi ng Lampara Prize noong 2018.

Maliban sa aking mga nobela, natanggap din ang aking mga katha o maikling kuwento sa iba’t ibang panawagan sa bansa. Una na rito ang “Angel Locsin” na natanggap sa Likhaan. Isa itong speculative fan fiction na tumatalakay sa mga pagkukulang ng gobyerno sa gitna ng pandemya. Proud ako sa kuwentong ito dahil kahit mabigat ang paksa, ginawa ko s’yang katatawanan at puno ng pag-asa.

Dapat ay ngayong taon ilalabas ang kuwentong ito sa “Dx Machina 1” pero dahil sa maraming problema sa printing at sa suliraning hatid ng virus, nausog ito sa isang taon. Baka sa Enero o Pebrero pa lumabas. Nakakatuwa dahil puro bigatin ang mga manunulat na kasama ko sa aklat na ito.

Hindi lang mga kuwentong pangmatanda ang pinanalunan ko. Wagi rin ako sa mga kuwentong pambata. Sa kauna-unahang pagkakataon, nanalo ako sa 28th Romeo Forbes Story Writing Competition ng CANVAS para sa aking LGBTQ story na pinamagatang “Si Ador sa Labas ng Aparador.” Second place lang ako pero hindi na masama. Alam mo kung bakit?

Nasa mechanics kasi ng patimpalak na isa lang ang mananalo sa CANVAS. Sa mga previous contest nila, laging isa lang ang nananalo kahit marami ang magagandang entries. Laking gulat at pagtataka ko ngayon nang malaman kong nanalo ako at second place pa. Ngayon lang yata nangyari ito kung tama ang aking pagkakaalala. Ako ang exception sa kanilang rule. Hahaha!

May iba pa akong kuwentong pambata na kuminang ngayong taon. Natanggap sa anthology ng Lampara ang aking kuwentong “Ang Maselang Mawmag” na tumatalakay naman sa rape o sexual abuse sa mga bata. Pero idinaan ko ito sa malikhaing paglalahad gamit ang tarsier o maomag ng Bohol.

May dalawa pa akong kuwentong pambata na natanggap, ngunit wala na akong balita kung matutuloy pa ang paglilimbag nito o kung ang unang nabanggit ko na ang siyang magiging kapalit nito. Ano’t ano pa man, masaya ako dahil ibang skill ang kailangan sa pagsusulat para sa mga bata. Mahirap at tricky s’ya. Mas sanay pa naman akong magsulat ng nobela (na mahaba) at para sa mas matatanda (na mature).

Dagdag pa rito, hindi ko rin inasahan na matatanggap ang mas maiikli kong akda sa taong ito. Dalawa sa aking mga naisulat na dagli tungkol sa pandemya ang pinalad na mapasama sa antolohiyang “2020: Ang Hinaharap sa Isang Iglap.” Ang una kong dagli ay may pamagat na “Mayora” na tungkol sa VIP testing at ang isa naman ay “Intubation” na tungkol sa mga namamatay na frontliners.

Baka sa isang taon din lumabas ang librong ito. Pero hindi naman lahat ng pinasahan ko ay sa 2021 pa ang labas. Nagulat ako nang biglang lumitaw early this year ang kauna-unahan kong libro kung saan napabilang ang aking mga tula. Ang mga tulang ito ay nauna nang napasama sa 1st LGBTQ Writer’s Workshop ng GLOBALGrace-UP noong 2018. Dati ay sa blog ko lang sila nilalathala. Ngayon, nasa libro na!

Malinaw na siguro na hindi lang sa prose ako mahusay. Kaya ko ring magsulat ng tula. And to further prove my point, nanalo rin sa pa-contest ng NCCA, LIRA at Savage Mind ang isa kong tanaga na tungkol pa rin sa pandemya. Malamang ay sa 2021 din ang labas nito. Ang dami kong librong lalabas next year! Hahaha!

Kung sa tingin n’yo naman ay puro local ang pinanalunan ko, nagkakamali kayo. Actually, nagkamali rin ako. I underestimated myself, which is kind of a good thing. Laking tuwa ko nang matanggap ang isa ko pang tula na may sarili kong salin sa wikang Ingles sa kalipunang may pamagat na “A/PART: An Anthology of Queer Southeast Asian Poetry in the Pandemic.”

First time kong mapasama sa isang “international” anthology. Kahit sa Southeast Asia lang ito, malaking bagay pa rin sa akin dahil (1) first time kong isalin sa English ang aking tula, (2) hindi ko forte ang pagsulat ng tula at ngayon ko lang siya natututuhan, at (3) hirap akong magsulat ng tula ngayong pandemic dahil madalas nagagawa ko lang s’ya kapag in-love ako.

In love man o hindi, napatunayan ko sa sarili ko na hindi ko kailangan ng muse para makapagsulat. Hindi ko kailangan ng inspiration. On second thought, baka naman ang sarili ko ang aking muse at inspiration. Medyo conceited pero it works! On third thought, baka naman lalo lang akong nakakapagsulat kapag gipit o dehado. In other words, I thrive in adversity.

At dahil hindi pa naman natatapos ang pandemic, dahil naka-community quarantine pa rin tayo ngayon, at mukhang aabot pa ito hanggang 2022 dahil sa inutil at abusado nating gobyerno, mukhang matagal-tagal pa bago bumalik sa normal ang lahat. Ibig sabihin, mas marami pa rin akong oras para magsulat ng mga kuwento at tula. Kung nagtagumpay ako ngayong 2020, pipilitin kong higitan pa ito sa 2021. Padayon!