Sankage Steno

Ganun talaga.

Taglagas

Nakaukit ang ating pangalan
sa matandang puno ng narra,
tanda ng di-magmamaliw
na pagtingin sa isa’t isa.

Taun-taon, naglalaan tayo
ng araw upang dalawin
ang inukit na alaala,
naliligo sa nalalagas na bulaklak
at tinitingala ang langit
habang binibigkas ang pangarap
sa malambing na lilim.

Ngayong taon,
muli kong dadalawin
ang ating puno
at pikit-matang guguhitan
ang iyong pangalan.

Advertisements

SOTUS: Kung paano ako winasak ng happy ending

Kung paanong sumasaya at ginaganahan ako bigla sa tuwing mapapanood ko ‘yung laban nina Rock Lee at Gaara sa Chunnin exam ng Naruto, bigla naman akong nalulungkot at inaatake ng mild anxiety kapag nakikita ko ‘yung larawan o clip nina Kongpob at Arthit sa SOTUS The Series.

Sabi ko nga sa kaibigan kong nag-introduce sa akin ng Thai series na ‘yan, bumalik ‘yung seasonal depression ko after ko s’yang mapanood. Alam mo ‘yung wala naman akong mabigat na problema, masaya ako sa takbo ng buhay ko ngayon, wala akong masyadong inaalala, tapos malulungkot ako bigla?

WTF?

At dahil lang sa na-trigger ako ng show na ‘yan. Ang nakakatawa pa, hindi s’ya sad ending tulad ngĀ Love of Siam. Ang gaan-gaan lang naman ng story, tungkol sa college life, in particular sa hazing, at happy rin ang katapusan. Pero sobrang taliwas ang epekto n’ya sa ‘kin. Ang weird.

Nang matapos ko ‘yung 15 episodes ng season 1, jusko, isang linggo yata akong hindi makatulog sa gabi. Naiisip ko lagi sina Kongpob at Arthit. Naiinggit ako sa kanila, sa kwento ng buhay nila. Na-in love ako character na pino-portray nila kahit hindi naman pang-Oscars ang acting nila pareho.

I mean, pa’no ka magmu-move on sa pagka-in love mo sa fictional character?

Naiinis din ako kasi naunahan na naman ako ng mga Thai sa pagsusulat ng ganitong kwento: ‘yung gay ang bida pero happy ang ending. Hindi tragic at depressing. (Well, nade-depress ako ngayon dahil dito, pero that’s an isolated case).

Sobrang kilig ng palabas na ‘to that it gave me an understanding kung bakit maraming nahuhumaling sa mga palabas at pelikula nina Kathniel, JaDine, LizKen, etc., at kung bakit maraming naaadik sa K-Drama. Now I know. Ganito pala ‘yon.

It took me long enough to understand how these “hetero” people feel kapag nanonood ng mga kilig shows. Understandable naman on my part. It took me decades bago ako naka-encounter ng gay-themed program na hindi mabigat at hindi biguan ang mga bida sa katapusan. It’s a breath of fresh air.

Unfortunately, hindi pala ako sanay sa fresh air. Kasi nga, ang bigat pa rin ng kalooban ko ngayon sa tuwing naiisip ko sina Kongpob at Arthit. That while I’m happy for them, nalulungkot ako for myself. At hindi ko alam kung bakit ganito ang effect n’ya sa ‘kin. It’s not debilitating naman. I’m still high functioning at di ko need mag-meds o magpunta sa psychiatrist for counselling.

I only need time to process things.

At, ngayon, I can say na mas okay na ‘ko kesa a few weeks ago nu’ng mapanood ko ‘yung SOTUS. Pero it will take maybe a couple more months bago ko panoorin ‘yung season 2 or any show na katulad n’ya, likeĀ Waterboy. I need to recover some more. But I’m happy na I can talk about it na at nakakaya ko nang panoorin nang paulit-ulit ang eksenang ‘to sa baba:

Image result for kongpob arthit

Hugot

Bumubukal ang mga salita
sa sugat ng nakaraan
tulad ng pagpatak ng dugo
kapag katawan ay nagalusan.

Kung may nasang paliparin
ang talinghaga at tayutay,
sumampa sa sanga ng danas
at ipagaspas ang mga pakpak
ng dalita at hinagpis.

May panganib na nakaamba
at pangamba sa pagbulusok,
ngunit pasasaan pa’t aalpas
kapag sinalubong ang bayo
ng hangin; dadalhin sa langit
ang hiwaga ng tula patungo
sa parang ng sinisinta.

Dadapo sa tainga at magpapatihulog
hanggang sa tumimo sa sugatang puso.

%d bloggers like this: