Sankage Steno

Ganun talaga.

Mahal ko kayo

Bago pa dumating ang Big One, gusto ko lang sabihin sa inyong lahat na mahal na mahal ko kayo. Sa lahat ng mga ex ko, pinapatawad ko na kayo. Sa lahat ng may utang sa akin, hindi ko na kailangan ng perang ‘yan. Sa lahat ng mga taong hindi ko na nakakausap, pasensya na.

Sa aking pamilya, kayo ang aking lakas. Maraming, maraming salamat sa pagmamahal at pag-aaruga sa akin. Sa mga kaibigan ko, kayo ang aking sandigan. Salamat sa lahat ng sandaling pinasaya at dinamayan ninyo ako. Sa aking mga katrabaho at estudyante, salamat sa mga pinagsamahan natin.

Higit sa lahat, sa nagpapatibok ng aking puso, walang saysay ang buhay ko kung hindi kita nakilala. Ikaw ang una’t huling taong naisip ko sa naganap na lindol. Salamat sa pagyanig ng aking buhay… at kama.

Gusto ko ring samantalahin ang pagkakataon para humingi ng tawad sa lahat ng taong nasaktan ko, naisawalang-bahala at hindi minahal. Sinadya ko man o hindi ang mga nagawa/ginawa ko, makuha niyo sanang patawarin ako. Masyadong maikli ang buhay para magkimkim ng galit o sama ng loob. Let bygones be bygones.

Paumanhin kung masyado akong madamdamin ngayon. Buhay pa ako, oo, pero hindi ko alam kung sa susunod na lindol ay mabubuhay pa rin ako. Kaya minabuti ko nang unahan ito at sabihin ang nararamdaman ko ngayon. Ayokong magsisi sa huli. Pero mas ayokong maranasan na hindi man lang ako makakapagsisi sa huli dahil wala na ako.

Muli, sa inyong lahat, salamat. Mahal na mahal ko kayo… except kayong mga fanatic at trolls, lalong-lalo na yung mga nagpapakalat ng fake news. Mauna sana kayong mamatay sa lindol. #Charot

Sakit ng mga bakla

E binubugaw kasi ako ng mga kaibigan ko kahapon sa isang someone, so naki-ride naman ako. Panay ang sabi nila ng magagandang qualities nitong nirereto nila sa ‘kin, ako naman, kinikilig kunwari. Patay na patay kuno.

“Ang dali mo namang ma-in love,” sabi ng isa kong kaibigan.

“Ganun talaga,” sagot ko. “Sakit ‘yan ng mga bakla.”

“E di bakla rin ako?” banat ng kaibigan kong babae.

Lilinawin ko lang, ha? Hindi sakit ang pagiging bakla. Hindi rin ito kasalanan o kapintasan. Walang mali o masama sa pagiging bakla (o lesbian, trans, atbp.). Ang tinutukoy kong “sakit” e yung tendency nating mahulog agad ang loob sa isang lalaki kahit sa napakaliliit na katangian o gawi.

Biro lang naman iyon dahil hindi naman talaga sakit o karamdaman ang ma-in love agad-agad sa isang tao. Nagkakataon lang na dahil hindi pa tanggap ang mga bakla sa lipunan, marami ang natatakot magpahayag ng damdamin. Marami ang repressed ang feelings. At dahil kinukubli o pinipigilan lagi ang nararamdaman, kapag may isang nagpakita ng motibo o nagbigay ng atensyon, “mahal” na agad.

E ano bang masama kung madali kang ma-in love?

Wala.

Yun nga lang, kapag hindi nasuklian ang pagtingin, made-depress nang bonggang-bongga. Feeling mo, pinaasa ka na, e ikaw naman talaga ‘tong umasa. Feeling mo, ang sama-sama na nung taong ‘yon. Assumerong frog din kasi tayo minsan. Ayan tuloy, andali rin nating masaktan. Nagiging overly sensitive tayo at kumakapit sa mga hugot lines o jokes. Yung iba, dun na talaga umaasa para mag-survive.

Haynako.

Kaya ko nasabing sakit s’ya ng mga bakla. Ikaw ba naman ang mapaibig agad, umasa, dumamoves, ma-reject, ma-depress at maluka, masisisi mo ba ‘ko kung isipin kong karamdaman nga ‘yon? Pero sabi ko nga, biro lang. At gaya ng karamihan sa mga jokes, they’re half-meant.

Kasi naman, ang hirap ding manligaw o magpaligaw kapag bakla ka. Iisipin mo muna ang iisipin ng ibang tao. Uunahin mo muna yung magiging tingin ng lipunan kesa sa sarili mong pagtingin. Sa sarili mong nararamdaman. May mali rin talaga sa mundo natin. At hindi mo rin masisisi ang mga bakla (at pati na rin yung ibang tao) kung bakit madali silang ma-in love.

E wala, sabik e.

Ba’t di pa patulan?

Naligo ako sa mahinang ulan kagabi habang nanonood ng libreng concert ng UDD sa High Street. Hindi naman ako nagmukhang basang-sisiw, saka may dala rin naman akong payong na binuksan ko lang nang patapos na yung ulan. Nakakatamad kasing magpayong habang nanonood ng idolo mong banda.

Ang daming tao, karamihan puro estudyante at yuppies. Hindi ko alam na ganun pala kabenta ang mga kanta ng UDD sa kanila. Noong college kasi, kapag nagko-concert sila sa UP, iilan lang ang nanonood. Hindi pa rin sila ganun kabenta tulad ng Parokya ni Edgar, Bamboo o Sponge Cola, pero sikat pa rin namang maituturing.

Huli kong napanood ang UDD e noong UP days ko pa nga. Up Dharma Down pa sila noon. Ngayon, UDD na lang. Medyo nakakapanibago pero nakaka-proud din kasi hindi sila takot sa pagbabago. Naalala ko pa noon, nasa Bahay ng Alumni ako, isa ang UDD sa mga bandang tutugtog bilang fundraising sa mga naulila ni Cris Mendez.

Para sa mga hindi nakakaalam o nakalimot na, biktima si Cris ng frat hazing. Hindi ko s’ya ka-close, pero naging kaklase ko s’ya sa isang Political Geography class ko. Nakakalungkot lang, ang bata niyang namatay. Matalino, may hitsura at mukhang mabait naman. Sayang talaga.

Siya ang una kong naalala nang magsimulang tumugtog ang UDD kagabi. Sa pangatlong kanta nila, napalitan si Cris ng panibagong alaala. Naghiyawan at nagpalakpakan ang mga tao nang pumasok ang unang nota ng Tadhana. Natahimik naman ako nang maalala ko ang “ex” ko.

Hindi naman ako nalungkot. Hindi rin ako naapektuhan masyado. Nakaalala lang. Buti na lang hindi naging tayo. Buti na lang naka-move on ako. Hindi ko alam kung may natutunan ako sa tagpong iyon ng aking buhay, pero sure akong tumatak lalo sa utak ko ang Tadhana ng UDD dahil doon.

Huli nilang kinanta ang Oo, my favorite. Ito ang una nilang single, sa pagkakaalam ko. Ito rin yung awit na nagpasikat sa kanila. Di mo lang alam, naiisip kita. Iniisip ko yung taong dapat kasama ko kagabi sa libreng concert. Dalawa sana kaming naliligo sa ulan o magkasukob sa dala kong payong. E kaso, mas pinili niyang makipag-inuman sa iba.

May moment na sana kami. Sayang. Di mo lang alam, ako’y ‘yong nasaktan.

%d bloggers like this: