Tatlong Katok sa Madaling Araw

by Sankage Steno

Naalimpungatan ako isang madaling araw. Kinapa ko ang cellphone sa gilid ng aking unan at saka tiningnan ang oras.

3:33.

Biglang may kumatok sa pintuan sa baba ng aking bahay. Nagtaka ako kung sino ‘yon. Hindi naman ako natakot. Inisip ko kasi agad na baka ‘yung kaibigan kong nagtatrabaho sa call center ang nasa labas. Baka nag-half day lang s’ya sa trabaho. Bumaba ako para pagbuksan s’ya ng pinto.

Bahagya akong nagtaka dahil tatlong beses na magkakasunod lang s’yang kumatok. Mula nang bumangon ako sa pagkakahiga hanggang sa marating ang pinto ay hindi na ako nakarinig ulit ng pagkatok o pagtawag man lang. Di ko na lang din pinansin. Binuksan ko pa rin ang pinto.

Laking gulat ko nang makitang hindi pala ‘yung kaibigan kong nagtatrabaho sa call center ang nasa labas. Ibang kaibigan pala. Hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan. Tawagin na lang natin s’yang si R. Kababata ko s’ya sa probinsya. Matalik kaming magkaibigan simula pa lang noong nag-aaral kami sa elementarya.

“R, anong ginagawa mo dito?” tanong ko habang pilit tinatago ang pagkagulat.

Ngumiti lang s’ya.

“Pasok ka muna.” Gumilid ako nang kaunti para bigyan s’ya ng daan. “Nawala mo na naman ba ‘yung susi sa condo mo?”

“Hindi,” sagot n’ya. Nanatili lang s’yang nakatayo sa labas ng bahay.

Napansin kong mamula-mula ang kanyang mga mata. Baka naglasing na naman. Mahilig kasi ‘tong gumimik kahit kalagitnaan ng linggo o kahit hindi pa naman sweldo. Palibhasa kasi e malaki ang sweldo sa I.T. company na pinapasukan n’ya. Wala rin s’yang syota ngayon kaya lalong tipid sa gastos.

“Uminom ka naman, no?” sabi ko.

“Hindi.”

Pareho kaming natahimik ng ilang sandali. Nang magsasalita na ako para yayain s’ya ulit pumasok ng bahay, inunahan n’ya ‘ko.

“Bro, ingatan mo sarili mo, ha? Ikaw pa naman ‘tong laging nagsusulat ng kung anu-anong kagaguhan sa blog mo. Baka sa susunod may dumale na sa ‘yo. Konting ingat lang. Saka salamat nga pala sa pinagsamahan natin. Hinding-hindi ko pinagsisisihan na nakilala kita. Sayang nga at hindi na tayo nagkakainuman. Ang kuripot mo na kasi. Pero ayos lang, naiintindihan naman kita. Ako lang talaga ‘tong pakawala at walang plano sa buhay.”

Sinubukan kong sumingit pero parang napipi ako.

“‘Wag mong pababayaan ang sarili mo. Sinasabi ko sa ‘yo, baka ikapahamak mo ‘yang mga sinusulat mo balang araw. Pero di ko naman sinasabing tumigil ka sa pagsusulat. Konting ingat lang. Pasensya ka na kasi di na ‘ko makakapagbasa ng blog mo. Di ko na rin mashe-share sa Facebook ko.”

Nakahanap ako ng tiyempo. “Lasing ka na nga, bro.”

“Hindi.”

“Lasing ka na. Kung anu-ano na pinagsasasabi mo. Pumasok ka na. D’yan ka sa sofa matulog. Ayokong katabi ka. Baka sukahan mo pa ‘yung kama.”

“Hindi.”

Isang nakakailang na katahimikan ulit ang namagitan sa amin.

“Bro, nga pala. May hiling lang ako sana sa ‘yo,” sabi ni R.

“Ano ‘yon?” tanong ko.

“Baka naman pwede mo ‘kong pasikatin sa blog mo. Never mo pa kasi akong nasulat.”

“E ano naman isusulat ko tungkol sa ‘yo? Corrupt ka ba? Nag-plagiarize ka ba? Sikat ka ba?”

“Hindi. Pero, basta, gusto kong sumulat ka ng kwento tungkol sa ‘kin. Pramis, babasahin ko nang buo. Ishe-share ko pa sa Facebook at Twitter. Tapos, dapat sa sobrang ganda ng sulat mo sa ‘kin, lahat ng makakabasa e makikilala ako. Tapos mapapanaginipan pa nila ‘ko sa gabi.”

“Adik!” Tatampalin ko sana s’ya sa noo, pero bigla s’yang umatras.

“Sige, bro, alis na ‘ko.”

“Ha? Teka, kala ko makikitulog ka dito?”

“Hindi.”

Ganu’n-ganu’n lang e umalis si R. Ni hindi ko na nakuha pang tawagin s’ya pabalik. Patakbo s’yang lumabas ng tarangkahan namin at saka matuling naglakad sa madilim pang kalsada.

Noong umagang ‘yon, mga alas-9, nakita kong may nag-miscol sa cellphone ko. Hindi ko kilala ‘yung number. Nag-text back ako para tanungin kung sino s’ya at kung bakit s’ya tumawag sa ‘kin nang ganu’n kaaga.

Ilang minuto pagka-send ko ng mensahe, nag-ring ang cellphone ko. Tumatawag ulit ‘yung di ko kilalang numero. Kahit may pag-aalinlangan, sinagot ko pa rin ang tawag.

“Hello?”

“Hello? Kapatid ‘to ni R.” Medyo basag ang boses ng nasa kabilang linya.

“A, o bakit ka napatawag? Nakauwi ba sa inyo kagabi si R?”

“Wala na si R. Nabangga ng bus ‘yung sinasakyan n’yang taxi kaninang mag-aalas kuwatro…”

Hindi ko na naintindihan pa ‘yung ibang sinabi ng kapatid ni R. Nablangko ang isip ko sa narinig. Para akong sinuntok sa mukha at nawalan ng malay.

Nangyari ‘to dalawang taon na ang nakakalipas. Gano’n katagal bago ko natupad ang kahilingan ni R na gawan s’ya ng blog entry. Hinding-hindi ko makakalimutan ang huling hiling n’ya sa ‘kin.

Sana magustuhan ni R itong sinulat ko para sa kanya.

At para sa makakabasa nito, kung sakaling mapanaginipan mo nga si R sa pagtulog mo mamayang gabi, pakisabi naman sa kanya, pasensya na. Pasensya na kasi natagalan ako sa pagtupad ng kanyang kahilingan sa akin. Pakisabi dalawin n’ya rin ako sa panaginip para personal na makahingi ng paumanhin.

Advertisements