Patay na naman
Nanood ako ng LFS ng The Nun kagabi with my dabarkads kaya past midnight na ako nakauwi at nakatulog. Pero isang oras pa lang akong nakakatulog, bigla akong nagising. Ang unang-unang pumasok agad sa isip ko pagdilat ng aking mata e ‘yung sarili kong kamatayan. Taena ‘yan.
Bigla ko na lang naramdaman ‘yung existential dread at ‘yung consistent fear ko since childhood ‘pag iniisip ko kung pa’no ako mamamatay. Pero dahil pagod at inaantok na talaga ako, di naman nagtagal ‘yung weird experience ko kagabi. Saglit lang akong nabahala at madali naman akong nakabalik sa pagtulog.
Tapos naalala ko, noong isang gabi, napanaginipan ko si Papa. Sa panaginip ko, parang niyayaya n’ya ‘kong manood ng concert. May inabot s’ya sa ‘king ticket, ta’s nu’ng tiningnan ko kung sino ‘yung magko-concert, ang nabasa ko e Spice Girls. Weird.
Nu’ng aabutin ko na ‘yung ticket kay Papa, bigla akong natauhan. Naalala ko bigla while dreaming na matagal nang patay si Papa. So ang ginawa ko, sa halip na kunin ‘yung ticket, sumigaw ako ng “NOOOOO!” Hahaha! Ang O.A. I know, pero natakot kasi ako na baka invitation ‘yon ni Papa para sumama sa kanya.
Ayoko pang mamatay!
Hindi pa ‘ko pangulo ng Pilipinas. Hindi pa ‘ko nananalo ng Palanca saka Nobel Prize. Hindi pa napa-publish ‘yung libro ko. Hindi ko pa nasasabi sa mahal ko na mahal ko s’ya. Kasi naman e! Ang dami pa kasi n’yang isyu sa buhay. Ang dami ko pa ring isyu sa sarili. Arte. Baka mamatay nga akong single at mag-isa.
Sadlyf.
Kung may isang bagay talaga akong kinatatakutan, ‘yun e kamatayan. Hindi ako takot sa mga diktador. Hindi ako takot sa multo. Hindi ako takot mawalan ng trabaho. Hindi ako takot mabigo o matalo. Takot ako sa death. Kase, ‘pag patay na ‘ko at di ko pa nagawa lahat ng gusto kong gawin, wala. Finish na.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit sobrang weird at sobrang sama ng pakiramdam ko kaninang madaling-araw nang magising ako at maisip ‘yung tungkol sa sarili kong kamatayan. Pero buti na lang, buhay pa rin ako. Salamat talaga.
Pagpasok ko sa opisina kaninang umaga, nag-chat ‘yung tita ko at sinabing namatay ‘yung kapitbahay namin. Umagang-umaga, kamatayan agad ang nabalitaan ko. Tungkol sa patay na naman! The universe must be telling me something. Ano kaya?