Sankage Steno

Ganun talaga.

Tag: Kanina Lang

Palaboy ng Pagadian

Sa sobrang aga ng dating ko rito sa Pagadian City, ako na mismo ‘yung nagbukas ng lungsod para sa taumbayan. #Steno2040 talaga. Hahaha! E kasi ba naman, 2 pm pa ‘yung check in ko sa hotel, tapos ‘yung binook na flight sa ‘kin ng office e alas-singko ng madaling araw. Kaluks!

Syempre, hindi naman ako ‘yung tipo ng taong magmamaktol o bubwisitin ‘yung sarili kapag hindi nasunod ‘yung plano sa buhay. So nagpalabuy-laboy muna ako rito habang naghihintay ng check-in time ko. In fairview, nag-enjoy naman ako sa paglalakad at pag-oobserba ng buhay sa Pagadian.

Take note, ha? Nagpalabuy-laboy ako. Meaning, naglakad-lakad sa kung saan-saan. Kung sa’n ako dalhin ng mga paa ko, ganyan. Mas maganda kasi ‘yon kesa ‘yung magta-trike ako o motor. Bilang city naman ‘to at hindi rural na area, maraming makikita kahit sa konting kembot mo pa lang.

Napunta ako sa palengke, du’n sa tindahan ng mga dried fish. Sarap ng amoy. Feeling ko kumapit sa balat ko ‘yung alat. Tapos napunta ako sa kampo ng coast guard, du’n sa pantalan. Tapos napadpad ako sa parang boulevard nila, ‘yung baywalk, ganern. Nilakad ko ‘yung kahabaan no’n at naupo sa bench do’n.

Syempre, nagsulat na rin ako ng tula. Eto ‘yung nasulat ko:

SIRENA

Sa aplaya
ang tubig ay kulay-nana,
ang mga bangka
sa dagat ay nakatulala.

Sa gilid ng tubig
nakamasid ang isang lalaki

namimingwit sa haraya
ng sinisintang isda
kahit pa laksa-laksa
ang dumudulog sa kanya.

Ngunit mailap ang huli
kung maligalig ang kabig.

Anong malas ang kumapit
sa lalaking nakamasid,
di makita ni sarili
sa salamin ng tubig.

Kaya siya ay sumisid.
Kaya siya ay sumisid.

Bahala ka na sa kung anong interpretation ang gusto mong ibigay d’yan. The author is dead. Not literally, gagu. Buhay na buhay pa ‘ko kahit andito ako ngayon sa Mindanao na under martial law pa rin. Huhu. Ang ibig kong sabihin, may sariling buhay na ‘yung tula na hiwalay sa sumulat. Gets?

Ayun, after kong magmuni-muni sa baywalk, nagpatuloy ako sa pagpapalaboy sa Pagadian hanggang sa makarating ako sa Rotunda. Taena lang. Sabi kasi sa nabasa ko sa blog, maganda raw ang view. Maganda nga, pamatay naman ‘yung pag-akyat. Isang oras akong umakyat ng burol! Kaluks. Kasalanan ko rin naman kasi hindi ako nag-tricycle.

Sumakay lang ako nu’ng pababa na. (Tanga ko rin, ‘no? Kung ano ‘yung mas madali, saka pa ‘ko nag-commute. ‘Yung nakakahingal na paakyat, tinyaga ko talaga. Hahaha!)

Ang gara ng mga tricycle dito. Naka-tilt ng 45 degrees yung upuan. Sabi nila dahil daw sa mga mabuburol at matatarik na daanan kaya gano’n. Para madaling umahon at pumanaog. Ang problema nga lang, medyo masikip sa loob. Hindi ako magkasya halos, pati ‘yung bag ko. Pero happy pa rin ang experience.

Yammy’s Seafood Grill

Nagpababa ako sa Yammy’s dahil ‘yun daw ‘yung pinakamasarap na kainan sa syudad. Well, umm, sige na nga. Di ko pa naman nakakainan ‘yung iba so baka nga ‘yun na ang pinakamasarap dito. Basta try n’yo na lang. Happy naman ‘yung place. Happy din ‘yung experience. Saka ang dami ng serving ng pagkain, in fair.

Nagkamay ako, syempre. Kebs sa mga tumitingin sa ‘kin.

Speaking of tingin, lagi talaga akong pinagtitinginan ng mga tao, ke nasa Maynila ako o nasa labas ng kabisera. Ganu’n ba ‘ko ka-Oppa sa inyo? Artistahin much? Hahaha! Yabang ko. Can’t wait na mangulubot ang mukha ko para mabawasan ang nagkaka-crush at nambabastos sa akin. Charot!

Wala pong nambastos sa akin dito sa Pagadian. Mababait po ang mga tao. So far, so good. Now back to work. Hihi.

Image result for pagadian city

Adik sa titik

Hindi ko naman alam kase na buntis pala yung katabi ko sa bus kaninang umaga. Lumabas tuloy na ang sama-sama ko at wala akong puso. Gan’to ‘yung nangyare:

Tinamad akong umakyat ng MRT station sa GMA-Kamuning kaninang bago mag-6am kasi saktong may dumaang bus na pa-Ayala pagkababa ko ng provincial bus, so pinara ko at saka ako sumakay. Saktong pagkasakay ko e may tumayong mama sa unahang upuan kaya du’n ako naupo, malapit sa pwesto ng driver.

Syempre, dahil ma-traffic at malayo pa ang Makati from QC, inilabas ko yung notebook at signpen ko sa bag saka nagsimulang magsulat ng tula habang bumabyahe. Tapos, panay ang hinto ng bus kasi nga nagsasakay at nagbababa sa kung saan-saan. Ako naman, masyado nang tutok sa sinusulat ko kaya kebs na sa ibang tao. Nilamon na ‘ko ng mga sukat, tugma at talinghaga, ganyan.

Hindi ko tuloy napansin na may sumakay palang buntis. Ni hindi ko nga alam kung sa’ng part s’ya ng EDSA nasakay. Basta ang naalala ko na lang, nakaluntian s’yang blouse, tapos du’n s’ya sa gilid ko pumwesto. Tapos, tuwing may bababa o sasakay, lagi n’yang binubunggo yung tiyan n’ya sa kaliwang balikat at braso ko.

Syempre nainis ako kasi parang nananadya si ate. Pero hindi ko na lang pinansin kasi nga siksikan talaga sa bus dahil Lunes at busy ako sa pagsusulat ng bagong tula. Saka ko na lang nalaman na kaya pala n’ya ako tinutunggo ng tiyan n’ya e dahil paraan n’ya ‘yon ng pagsasabi ng, “Hoy, buntis ako. Paupuin mo ‘ko d’yan sa pwesto mo.”

Nu’ng natapos na ‘ko sa draft ng tula at naibalik ko na yung notebook at pen sa loob ng bag ko, saka lang ako pinakiusapan ng konduktor.

Sabi n’ya, “Sa’n ka ba bababa?”

“Sa Ayala,” sagot ko.

“Paupuin mo muna yung buntis.”

Boom! Du’n ko lang nalaman na yung naka-green palang babae na panay ang tunggo sa akin ng tiyan e buntis at priority sa front seat. May gahd! Hiyang-hiya ako sa sarili ko. Sa sobrang pagkaadik ko sa pagsusulat, di ko na napansin yung babaeng buntis. Di ko na napapansin yung mga nangyayari sa paligid. Masyado akong nakukulong sa “in the zone” ko ng pagsusulat.

I’m so sorry, Mumshie. Kung sinabihan mo lang ako, titigil ako agad sa pagsusulat para paupuin ka. Hindi po maitim ang budhi ko. Lagi po akong nagpapaupo ng matatanda, buntis, may kapansanan o mga may kasamang bata kapag nasa pampublikong sasakyan. Patawarin n’yo po ako at ang pagkahumaling ko sa aking sining.

Simula ngayon, mas magiging aware na po ako sa paligid habang nagsusulat. Iiwasan ko na ring pumwesto sa harap na upuan ng mga bus o jeepney. Pero di ko pa rin babawasan ang pagsusulat ko. It’s my life. It’s the love of my life na hindi ko nakaka-sex. Or so I thought? Charot! Muli, paumanhin. Hindi na po mauulit.

Image result for bus seat for pregnant women

Patay na naman

Nanood ako ng LFS ngĀ The Nun kagabi with my dabarkads kaya past midnight na ako nakauwi at nakatulog. Pero isang oras pa lang akong nakakatulog, bigla akong nagising. Ang unang-unang pumasok agad sa isip ko pagdilat ng aking mata e ‘yung sarili kong kamatayan. Taena ‘yan.

Bigla ko na lang naramdaman ‘yung existential dread at ‘yung consistent fear ko since childhood ‘pag iniisip ko kung pa’no ako mamamatay. Pero dahil pagod at inaantok na talaga ako, di naman nagtagal ‘yung weird experience ko kagabi. Saglit lang akong nabahala at madali naman akong nakabalik sa pagtulog.

Tapos naalala ko, noong isang gabi, napanaginipan ko si Papa. Sa panaginip ko, parang niyayaya n’ya ‘kong manood ng concert. May inabot s’ya sa ‘king ticket, ta’s nu’ng tiningnan ko kung sino ‘yung magko-concert, ang nabasa ko e Spice Girls. Weird.

Nu’ng aabutin ko na ‘yung ticket kay Papa, bigla akong natauhan. Naalala ko bigla while dreaming na matagal nang patay si Papa. So ang ginawa ko, sa halip na kunin ‘yung ticket, sumigaw ako ng “NOOOOO!” Hahaha! Ang O.A. I know, pero natakot kasi ako na baka invitation ‘yon ni Papa para sumama sa kanya.

Ayoko pang mamatay!

Hindi pa ‘ko pangulo ng Pilipinas. Hindi pa ‘ko nananalo ng Palanca saka Nobel Prize. Hindi pa napa-publish ‘yung libro ko. Hindi ko pa nasasabi sa mahal ko na mahal ko s’ya. Kasi naman e! Ang dami pa kasi n’yang isyu sa buhay. Ang dami ko pa ring isyu sa sarili. Arte. Baka mamatay nga akong single at mag-isa.

Sadlyf.

Kung may isang bagay talaga akong kinatatakutan, ‘yun e kamatayan. Hindi ako takot sa mga diktador. Hindi ako takot sa multo. Hindi ako takot mawalan ng trabaho. Hindi ako takot mabigo o matalo. Takot ako sa death. Kase, ‘pag patay na ‘ko at di ko pa nagawa lahat ng gusto kong gawin, wala. Finish na.

Iyon siguro ang dahilan kung bakit sobrang weird at sobrang sama ng pakiramdam ko kaninang madaling-araw nang magising ako at maisip ‘yung tungkol sa sarili kong kamatayan. Pero buti na lang, buhay pa rin ako. Salamat talaga.

Pagpasok ko sa opisina kaninang umaga, nag-chat ‘yung tita ko at sinabing namatay ‘yung kapitbahay namin. Umagang-umaga, kamatayan agad ang nabalitaan ko. Tungkol sa patay na naman! The universe must be telling me something. Ano kaya?

Image result for dark cemetery