May Kasamang Kilig

by Sankage Steno

Iihi pa lang ako kaninang umaga sa toilet bowl; syempre alangan namang sa soup bowl, di ba? Ta’s nakita kong may tulo dun sa rim ng inodoro. Nandiri ako. (Ang arte lang.) Hindi ko na lang sasabihin kung saan ako umihi, kung sa bahay ba o sa nirerentahang apartment o sa opisina o sa public toilet. Basta hindi ko kamag-anak yung gumawa ng “krimen.”

Buti na lang kamo at hindi ako tatae, so hindi ko na kailangang maupo sa trono. Pero nilinis ko pa rin yung rim. Binuhusan ko ng tubig. BV kasi wala man lang konsiderasyon yung unang gumamit. Parang first time gumamit ng inodoro.

Kaya ngayon, naisipan kong gumawa ng guidelines sa tamang pag-ihi sa mga lalake. Pasensya na lang sa mga babae. I’m not an expert on that topic e. Iba na lang pasulatin natin pagdating dun.

At dahil hindi itinuturo sa school ang tamang pag-ihi, minabuti kong ako na ang mag-pioneer. Ewan ko lang kung meron na sa Google nito, pero I’m pretty sure wala pang nasusulat na ganito sa Filipino.

Ang Tamang Paraan ng Pag-ihi (Para sa mga Lalake):

  1. Pagkapasok sa banyo, pumili ng isang cubicle o urinal na iihian. Piliin ang pinakamalinis kung may pagpipilian. Kung wala, dun ka sa iisa o sa available pumunta.
  2. Harapin ang inodoro/urinal.
  3. Tanggalin ang salawal, boxer shorts, brief, G-string o kung anumang pinantatakip mo kay kapitan. Make sure na nakakababa ito sa pwestong hindi matutuluan ng ihi.
  4. Hawakan ang patotoy gamit ang kaliwa o kanang kamay. Huwag gamitin ang dalawang kamay nang sabay. Overkill na yun. Hindi magandang tignan.
  5. Itutok ang iyong patotoy sa butas ng inodoro o ng urinal (mas madali dito) at siguruhing walang ibang matatamaan.
  6. Utusan ang pantog na ilabas ang ihi. Panatilihing nakahawak ang kamay sa patotoy nang hindi tumalsik sa kung saan-saan ang iyong inilalabas sa katawan.
  7. May pagkakataong kikiligin ka habang umiihi at maaari itong magdulot ng pagnginig o paggalaw ng katawan, na maaari namang magpaiba ng direksyon ng ihi. Itutok nang maigi ang patotoy sa dapat tutukan at manatiling kalmado kung kaya.
  8. Huwag mahiyang magtagal sa urinal o inodoro. Siguruhing ubos na ang laman ng pantog at hindi na magtutulo ng ihi ang iyong patotoy.
  9. FLUSH.
  10. Matapos umihi, punasan ng tissue ang patotoy. Kung wala, wisikan ng tubig para luminis. Kung wala pa rin, pitik-pitikin. Pwede ring alug-alugin para maalis ang mga huling patak ng ihi.
  11. Punasan ng tissue ang urinal o inodoro kung may tumalsik na ihi sa rim o sa labas nito. Kung walang tissue, buhusan ng tubig. Kung wala pa rin, kumuha ng papel o panyo kung ayaw mong ipadila ko sa ‘yo ‘yan. Huwag maging salaula.
  12. Muling isuot ang salawal, boxer shorts, brief, G-string o kung anumang pinantatakip mo kay kapitan bago umalis ng banyo o toilet.

Konting courtesy naman po sa ibang taong gumagamit ng inodoro/urinal. Kung baboy ka po sa paggamit ng banyo, ‘wag kang lalabas hanggat di ka nagiging tao. Dahil ‘pag ikaw nasundan ko sa banyo at nakita kong baboy ka, ililitson kitang baboy ka. Baboy!

Advertisements