Sampung piso lang

by Sankage Steno

Kung may dalawang limang piso at isang sampung piso ako sa bulsa, at gusto kong bumili ng mani sa mamang naglalako nito sa bus, ang ipambabayad ko e ‘yung dalawang lima. Una, para gumaan ‘yung bulsa ko. Pangalawa, para mawala sa paningin ko si Emilio Aguinaldo. At pangatlo, para mas maka-close ko pa sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, particularly ‘yung huli.

Naiintindihan ko kung bakit kailangang pagsamahin sina Bonifacio at Mabini sa isang barya. Pareho kasi nilang ayaw makatabi si Aguinaldo sa pera. Well, alam naman natin kung sino ang nagpapatay kay Bonifacio, di ba? At alam din natin kung bakit hindi na-promote si Mabini sa pinapangarap n’yang posisyon sa batang-batang Republika ng Pilipinas noon. Kung magkakasama man silang tatlo ngayon sa langit, I’m sure hindi masyadong pinapansin ng dalawa si Aguinaldo.

Nakakalungkot lang isipin na, sa umpisa pa lang ng pagsasarili natin bilang isang “malayang” bansa, punung-puno na agad ng pamumulitika. And’yan na agad ‘yung siraan, bangayan, korapsyon, patayan at kung ano-ano pang political drama. Wala halos pinagkaiba sa sitwasyon natin ngayon.

Nakakalungkot din na kung sino pa yata ‘yung mas deserving o mas karapatdapat na nakaluklok sa pwesto, sila pa ‘yung minamasama at inilalagay sa dehadong sitwasyon. Tignan mo na lang si Mabini. Siniraan ng ibang mga Pilipino noon, sabi may syphilis daw kaya nalumpo. Hindi kaya! Dahil kaya ‘yun sa polio. May nalulumpo ba sa syphilis? At ano naman kung sakali ngang may syphilis s’ya? Pakialam ba nila sa sex life nu’ng tao. Mga inggitero.

Naaawa lang talaga ako kina Bonifacio at Mabini. I think they deserve a solo slot sa mga pera natin. Hindi ba pwedeng ibalik ‘yung dalawang pisong barya para du’n na ulit si Bonifacio? At di ba pwedeng solo na si Mabini sa sampung piso? Mas okay sana kung ibabalik ‘yung dating sampung pisong papel na may Barasoain Church sa likod. Ang ganda kaya nu’n, kulay brown pa. Pero, syempre, mahal ang paggawa ng perang papel kaya dapat silang gawing barya.

Gusto kong ipatanggal na lang si Aguinaldo sa limang piso at ipalit du’n si Bonifacio, para na rin makahinga-hinga nang konti si Mabini sa pwesto n’ya. Ang hirap kaya nu’n. Dalawang ulo sa isang barya? Goodness. Kaya lang, for sure, maraming aalma d’yan. Saka sasabihin nilang marami rin namang nagawa si Aguinaldo para sa bansa. Gaya ng ano? Ipatalo ang rebolusyon? Ipamigay ang Pilipinas sa Amerika? Ipapatay ang mga di n’ya ka-vibes na Pilipino?

So sad. No wonder ganito tayo ngayon. Mana-mana lang talaga sa ating mga ninuno. Sana naman mas magkaroon ng lugar sa pamahalaan ‘yung mga mabubuti at mahuhusay na Pilipino gaya ni Mabini. Nakakasawa na rin kasi ‘yung puro masasamang tao ang naghahari-harian sa napakayaman nating bansa. Andami kasing bobong botante at andami ring mga duwag na mabubuti at matatalinong Pinoy.

Happy birthday, Apolinario.