Umayos ka, Isko at Iska

by Sankage Steno

Walong taon na ang nakalilipas, ilang UP students ang nambato ng itlog kay Armed Forces Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. matapos s’yang magsalita sa isang forum na pinangunahan ng isang Political Science org doon.

Ngayon, si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad naman ‘yung nabiktima ng mga UP students. Pero may nabago naman: Sa halip na batuhin ng itlog, kinuyog nila si Abad at ‘yung mga taong nakapalibot sa kanya. Syempre maraming nasaktan, damay kahit ‘yung mga inosenteng wala naman talagang relasyon kay Abad.

September 2006 nangyari ‘yung unang insidente; September 2014 naman ‘yung pangalawa. Ano bang meron sa buwan na ‘to at nagiging bayolente ‘yung mga Iskolar ng Bayan? Dahil ba sa parehong taong nabanggit ko e natalo ‘yung UP Pep Squad? Just so you know, third lang ang UP noong 2006 (UST ang champion) at second naman ngayong taon (NU ang champion).

Wala lang, naisip ko lang.

Wala kasi akong ibang maisip na dahilan kung ba’t gumagamit ng “dahas” ‘yung mga estudyanteng ‘to ng Unibersidad ng Pilipinas. Ano naman kaya ‘yung susunod, papatay na sila? Susmaryosep. (Expression ko lang; di talaga ako naniniwala sa Holy Family. Virgin birth? Pfft.)

‘Wag naman sanang umabot sa sitwasyong magpapatayan na tayo para lang masunod ‘yung paglilihi o para maipaglaban ‘yung kung ano man ‘yung pinaglalaban natin. Ano ‘to, frat war? Civil war? Rebolusyon! Rebolusyon! Ganu’n ba gusto nilang mangyari? Well, di naman malayo. Marami kasing “aktibista” ang naniniwalang makakamit lamang ang pagbabago sa pamamagitan ng isang rebolusyon.

Ayoko na munang makipagtalo sa usaping ‘yan dahil di ko pa nababasa ‘yung mga aklat ni Pareng Mao at Pareng Marx. Babasahin ko muna at nanamnamin nang buo bago ako sumabak sa labanan ng ideolohiya.

At sana ‘yung labanang ganito e manatili lamang sa intelektwal na pamamaraan at hindi sa pisikalan. Nasa pamantasan po kayo, wala sa warzone. At kahit nasa warzone po kayo, may mga batas at alituntunin pa ring sinusunod. Sa tingin ko hindi patas na inatake ng sangkaterbang estudyante si Abad na walang kamalay-malay na may “giyera” na pala. Di ba dapat may pormal na deklarasyon muna bago magsimula ng digmaan? ‘Yun ang alam ko.

Anyway, gusto ko lang talagang sabihin na hindi ako natutuwa sa ginawa ng mga kapwa ko Isko at Iska. Ambobo n’yo sa ginawa n’yo, sa totoo lang. Ang kapal pa ng mukha n’yo para i-justify ‘yung ginawa n’yo gamit ang inyong mga “intellectualized statements.” Pfft.

Alam n’yo, marami tayong di pinagkakaunawaan, pero hindi ko alam na sa pisikal na lakas pala dapat magkaalaman kung sino ang tama o kung ano ang mas makabubuti. Kung gano’n lang ang labanan, e mag-e-enroll na ‘ko sa gym. Magpapalaki na ‘ko ng katawan, para kung sino man ‘yung di sasang-ayon sa ‘ken, alam na.

Ang bumangga, giba.

Advertisements