Spaghetting pataas para sa aking Easter birthday
Hindi pa ‘ko makapagluto ng mga handa ko para sa aking kaarawan ngayong Easter Sunday dahil busy pa ‘yung Lola ko sa kusina kaya minabuti ko munang magsulat dito sa blog. Ang dami kong pinagpilian habang naghihintay: mag-Netflix and Chill, mag-edit ng mga ilalaban ko sa Palanca, sumama kay Mama sa pagsisimba, mang-asar ng kapatid o magsulat sa blog.
Pinili ko ‘yung huling dalawa.
Bakit ‘yon? Well, unang-una, puro nood na ang ginawa ko nitong Holy Week. Nag-catch-up ako sa mga di ko pa napapanood na movie at series like Love, Death + Robots, Roma, Our Planet, Umbrella Academy, etc. Ilang araw na rin akong nag-eedit ng mga tula at kwento ko at nakakaburyong na s’ya talaga.
Commercial: Ang boring ng Roma ni Alfonso Cuaron pero ang ganda n’ya. Mas gusto ko pa rin ‘yung Y Tu Mama Tambien pero, in fairness, hanggang magising ako kaninang umaga e naiisip ko pa rin ‘yung Roma. So maganda talaga s’ya kahit boring. Also, ang amazing ng Love, Death + Robots. Gusto ko lahat, pero top 5 ko siguro ‘yung Sonnie’s Edge, Three Robots, Suits, The Secret War at Zima Blue.
At gustuhin ko mang samahang magsimba si Mama, hindi na ‘ko Katoliko at baka mag-away lang kami kapag sermon na ng pari dahil nagko-comment talaga ako out loud, at nabubwisit sa akin si Mama kapag ginagawa ko ‘yon minsan. Kaya ayun, nauwi ako sa pambubwisit sa bunso kong kapatid at sa pagsusulat nito.
Anyway, going back sa iluluto ko. Simple lang naman s’ya, lumpiang shanghai at spaghetti na super tamis kahit ayoko sa matamis na spaghetti. (Oorder daw ng pizza ‘yung isa ko pang kapatid na birthday naman kahapon at saka bibili ng mga inumin. Sana totohanin.)
Alam mo, kapag ako lang ang kakain, hindi ko talaga tinatamisan ‘yung spaghetti sauce na niluluto ko. Madalas, Italian style ‘yung sauce na binibili ko. At kung feel ko talagang magpaka-puta (as in putanesca), ang ginagamit ko ay tomato sauce, tomato paste at totoong kamatis. Hinahaluan ko lang ng spices para lalong sumarap sa aking panlasa.
Pero alam kong hinding-hindi iyon maa-appreciate ng mga tao rito sa amin.
Iba talaga kapag nakasanayan mo na ‘yung lasa ng pagkain. Kaya ko namang kumain ng matamis na spaghetti. Fan naman ako ng ganu’n sa Jollibee. Pero hindi ko lang talaga s’ya prefer lalo na kapag ako ‘yung magluluto, especially kung birthday ko. I mean, sino ba dapat ang masunod, ‘yung may-birthday o ‘yung mga makikikain sa handa ko? Obvious naman ang sagot, di ba?
Ako dapat.
Kahapon, nu’ng namimili ako ng mga sahog at sangkap sa lulutuin kong spaghetti, pinakanagtagal ako du’n sa section ng spaghetti sauce. Talagang nagdedebate ako sa sarili ko kung ang bibilhin ko ba e ‘yung Clara Ole na Italian sauce o ‘yung Del Monte na Filipino style. Hulaan mo kung ano ang pinili ko…
3…
2…
1…
Wrong answer!
Pinili ko ‘yung Filipino style spaghetti sauce na matamis at hindi ‘yung Italian.
Simple lang naman ng dahilan kung bakit ‘yun ang naging desisyon ko: Masaya na ‘ko na mag-birthday, kaya dapat hindi lang ako ang sumaya. Therefore, silang mga makikikain na lang sa handa ko ang pasasayahin ko. At dahil prefer nila ang matamis na spaghetti, so be it.