Saging lang ang may puso

by Sankage Steno

Marahil ay may nagtataka sa inyo (o feeling ko lang) kung bakit never pa akong nagsulat tungkol sa isyu sa Sabah kahit pa ilang linggo na itong nasa balita at marami nang Pilipino ang nasawi dahil sa pag-aangking ginagawa ng sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III.

Ang totoo nyan, gusto ko talagang magsulat pero hindi ko pwedeng gawing pa-joke dahil sobrang seryoso nyang isyu. Isa pa, kakaunti lang talaga ang alam ko tungkol sa usaping iyon, maging sa kasaysayan ng Sulu at Sabah, although dati ko pa alam na sabi e part ng Pilipinas ang Sabah dahil regalo ito ng sultan ng Brunei sa sultan ng Sulu.

Nakapagbasa-basa na ako nang kaunti kaya mas marami na akong alam ngayon kaya magbibigay ako ng kaunting opinyon hinggil sa mga nangyayari roon.

Hindi solusyon

Una, sa tingin ko e mali ang ginamit na paraan ni Kiram para angkinin ang Sabah. Kung feeling nya e isinawalang-bahala sila ng Philippine government dahil hindi pinansin ang kanilang hinaing, pati na rin yung sulat na “nawala” at natagpuan sa Department of Foreign Affairs, hindi pa rin magandang solusyon ang pagpunta sa Sabah na may dala-dalang armas. Anong mensahe ang gusto mong iparating sa paggawa nun?

Pangalawa, oo, nangyari na. Andun na sila at nagkapatayan na. Ayaw ding pumayag ng Malaysia sa ceasefire, at lalong ayaw nilang ibigay ang Sabah sa sultan ng Sulu (Take note, hindi sa Pilipinas.) Si PNoy naman, obvious na walang alam sa isyu at ngayon pa lang nagri-research. Tapos late na nyang pinadala si Sec. Del Rosario sa Malaysia para makipagnegosasyon. Malaking bukol ‘to sa administrasyon pero may solusyon naman.

Sana kasi hindi naging “agit” ang tono ni PNoy noong una pa lang. Sa halip na sabihing sumuko at itigil ang kabaliwang iyon, sana sinabi na lang niyang umuwi na kayo sa bansa “natin.” Sana sinabi nya, this is your home, this is your country. Kung ano man ang hinaing ninyo, mapapag-usapan natin ‘yan. E kaso wala, fight kung fight agad ‘tong lolo mo. Kasi nga, hindi pamilyar sa isyu.

No to war

Pangatlo, wag na wag lang magkakamaling sumali ang militar sa kaguluhan sa Sabah. The least we need now is a war with Malaysia. Lalong madidiskaril ang peace negotiation sa mga Bangsamoro people sa Mindanao dahil malaki ang parte ng Malaysia para finally e umupo ang dalawang panig, mag-usap at sumang-ayon sa isang permanenteng kasunduang pangkapayapaan sa lugar nila.

Pang-apat, ang mga tagasunod ng sultan ng Sulu, pati na mismo yung sultan at pamilya nya, e mga PILIPINO. Hindi sila second-class citizens o mga dayo sa ating lugar. Bago pa mabuo ang Republika ng Pilipinas, narito na sila. At ngayong nasa peligro sila, tungkulin ng gobyerno na protektahan sila. Kung pa’no magagawa yun ni PNoy nang hindi sumasali sa digmaan e hindi ko alam.

Pero naniniwala pa rin akong walang problemang hindi nadaraan sa mabuting usapan. Kailangan lang ng tamang salita at taong may alam para makipag-usap kina Kiram at sa mga taga-Malaysia. Hindi naman siguro gusto ng dalawang panig na magkaubusan ng lahi dahil kahit magkaubusan man, hindi pa rin malulutas ang problema.

Kailangan talaga rito ng isang dibdibang usapang may konkretong hakbang para hindi na maulit pa. At naniniwala akong posible itong mangyari ngayon.

Sabi nga ni Mark Lapid sa kanyang pelikulang Apoy sa Dibdib ng Samar, sa lahat daw ng halaman “saging lang ang may puso.” I think may wisdom sa korning linya na ‘to. Baka andito ang solusyon sa problema. After all, ang “Sabah” ay isang variety ng saging.

Advertisements