Bakit gusto mong magkaanak?

by Sankage Steno

Kung ang sagot mo e dahil gusto mong may mag-alaga sa ‘yo pagtanda, ‘wag na ‘wag kang magpapakita sa ‘ken dahil sasapakin kita nang padakot. Tanginang ‘to. Nag-anak lang pala para may mag-aalaga sa kanya. Sana kumuha ka na lang ng caregiver. At least ‘yon pasuswelduhin mo lang. Di mo na kailangang paghirapang ilabas sa mundo at palakihin.

Kung seryoso ka talagang gusto mo lang ng mag-aalaga sa ‘yo pagtanda kaya ka gagawa ng anak, mag-ipon-ipon ka na ngayon pa lang para may pambayad ka sa caregiver mo in the future. Mas matipid ‘yon kesa ‘yung magpapalaki at magpapaaral ka ng bata. Ta’s alam mo namang hihiwalay din sa ‘yo ‘yan ‘pag nag-asawa na. 50-50 din e. E kung caregiver, basta may sweldo, 100 percent di ka n’yan iiwan.

Alam mo, dapat inaalam mo rin kung bakit ka nagnanais magkaanak e. At dapat alam mong napaka-selfish kung gusto mo lang ng tagapag-alaga. Makasarili ka masyado. E pa’no kung ayaw ka namang alagaan ng anak mo? Di mo ba pwedeng irespeto ‘yung choice n’ya na ‘yon? Syempre hinde. For sure magdadramahan kayo d’yan. If I know baka sumulat ka pa kay Charo Santos para mapalabas sa MMK ‘yang nakakaiyak mong buhay.

E tanga ka rin e.

Next time kasi, kung mag-aanak ka, ipasak mo na sa utak n’ya mula pagkabata hanggang pagtanda na ang rason lang kung bakit s’ya nabuhay e para alagaan ka in your last years sa mundo. Na s’ya ang gagastos sa ‘yo, s’ya ang magpapaligo, s’ya ang maghuhugas ng pwet mo, s’ya ang magpapakain sa ‘yo, s’ya ang bubuhat sa ‘yo, at s’ya ang magpapakahirap para humaba pa nang kaunti ‘yang buhay mo.

Tapos, ang kagandahan nito, kapag nagkaanak din ‘yung anak mo, ganu’n din ang role. Magiging tagapag-alaga rin. Wooh! Hanep! Rakenrol! We’re a nation of caregivers talaga. Kaya tayo mabenta sa ibang bansa e. Bata pa lang, nakatakda na s’yang maging tagapag-alaga. It’s our destiny to take care of other people, especially the senior ones.

Leche.

“Sankage, bumaba ka naman sa ivory tower mo at intindihin mo ‘yung mga nasa baba.”

Gago, iniintindi ko nga, and I conclude na kagaguhan ‘yung dahilan nila. Hindi ba kasi pwedeng kaya ka mag-aanak e HINDI dahil gusto mo ng tagapag-alaga o alalay o katulong sa ‘yong pagtanda at HINDI dahil naaksidenteng hindi ka nakapag-contraceptive, bagkus e dahil gusto mong magsilang ng taong mamahalin mo nang walang kondisyon?

Hindi ba pwedeng kaya ka mag-aanak e dahil gusto mong madagdagan pa ‘yung mga taong minamahal mo sa buhay mo? ‘Yung mga taong kahit gawan ka ng mali o masama, papatawarin at mamahalin mo pa rin. Kahit iwan ka, mahal mo pa rin. At hindi mo alam kung bakit mahal mo sila. Basta mahal mo lang, period. Hindi ba pwedeng gano’n lang ‘yung dahilan?

Well, kung mahal mo ‘yung caregiver mo, sige, mag-anak ka at gawin mong wheelchair o dextrose in the future.

Advertisements