Gago na, ulol pa

by Sankage Steno

Di ko alam kung ba’t ang hirap sumakay kaninang umaga. Lahat ng dumarating na bus, siksik, liglig at umaapaw sa mga mortal na empleyadong tulad ko. Napilitan tuloy akong makipagsiksikan sa MRT. Tangina much. Pero at least nakasakay ako at hindi na-late. Saktong-sakto ako sa timer sa office. 8:30 sharp.

Eto ang matindi. Sa loob ng MRT, as expected, may drama na naman akong nasaksihan. Saglit, let me correct myself. Hindi pala drama, soft action pala. Alam mo ‘yung mga Pinoy action films nu’ng 90s? ‘Yung bago magbarilan ‘yung bida at kontrabida sa huli, magda-dialogue muna sila? Magsasabihan ng maaanghang na salita bago magpatayan? Parang ganu’n ‘yung nangyari kanina sa MRT.

Ganito kasi, siksikan, syempre. Ta’s nu’ng dumating na ‘yung tren, tulakan lahat after makalabas ng ilang pasahero. Meron sa likod kong dalawang lalaki na nagkakagirian. Hindi ko makita kasi nakatalikod ako. Di naman ako makaikot dahil sobrang sikip, pero sobrang dinig na dinig ko ‘yung bangayan ng dalawang mama. Base sa narinig ko, ‘yung isa nakapasok at ‘yung isa e hindi, so sinisi nu’ng huli ‘yung una kung ba’t di s’ya nakasakay. Hanggang sa magsara ‘yung pinto, nag-aaway silang parang mga batang paslit.

Mamang Naiwan: Ba’t? Sa ‘yo ba ‘to? Ikaw be me ari ng tren?

Mamang Nakasakay: Hinde. Sinabi ko ba? Sinabi ko ba?

Naiwan: Kala mo sa ‘yo ‘tong tren a. (May sinasabi pa s’ya pero tuluyan nang sumara ‘yung pinto. Hindi ako sure pero may pahabol yata s’yang suntok du’n sa nakasakay. Narinig ko na lang na sinusuntok pa rin ‘yung pinto pagkasara.)

Nakasakay: Gago! Ulol! Tatandaan ko ‘yang mukha mo. Lagi akong sumasakay dito.

Hanggang sa umandar ‘yung MRT, kung anu-ano pa rin ‘yung sinasabi ng mamang nakasakay. Gusto ko sanang lingunin pero di ko magawa. Napatingin na lang ako sa kisame at natawa sa isip. Ta’s pagbaba ko ng tingin sa harap ko, nagkatitigan kami ng isang babae. Nangiti na lang kami pareho at napailing dahil sa nangyari.

Gusto ko sana s’yang kausapin, kaso di ko mabuka ‘yung bibig ko kasi may kalagara. Sinisipon pa rin kasi ako. Ayoko naman ibuga sa kanya ‘yung mucus. Ayoko rin namang lunukin at ibalik sa katawan ko. Ayun, tinago ko na lang muna sa bibig ko. Ang alat n’ya. Gusto mo?

Actually, hindi lang ‘yung babae ang gusto kong kausapin. Tinignan ko ‘yung ibang mga kasiksikan ko sa loob ng MRT at parang gusto ko silang tanungin lahat. Gusto kong malaman ‘yung mga kwento nila sa buhay. Wala akong pake kung totoo ‘yung sasabihin nila o kung may dagdag o bawas. Ayos lang, basta gusto kong marinig ‘yung kanilang kwento. E kaso dyahe lang talaga at ang weird. Kadiri pa kasi may sipon ako sa bibig. Ang alat n’ya talaga.

Nakuntento na lang ako sa pag-shut up. Pero sana talaga makagawa ako ng koleksyon ng mga kwento ng iba’t ibang tao sa mundo na hindi pang-MMK ang style. Sayang kasi e. Lahat tayo may kwento sa buhay, pero hindi lahat ‘yon e makukwento sa iba.