Ang Limang Utos ng Diyos na si Duterte

by Sankage Steno

Alam kong masamang makipag-away at hindi dapat ako pumapatol sa mga taong mas mababa ang IQ sa akin, pero wala na kasi akong magawa kaya maghahanap na lang ako ng gulo. Ganito kasi ang turo sa akin ng tagapagligtas na si Duterte.

Ibigin mo si Duterte nang buong puso, buong buhay, buong kaluluwa at buong talino kung meron man.

Marami akong kaibigan at kamag-anak (matalino, average at kulang-kulang) ang aliw na aliw at baliw na baliw kay Duterte. Naiintindihan ko sila. Ayaw nila ng krimen, at naniniwala silang kamay na bakal ang makakapagdisiplina sa maraming Pilipinong katulad nila na wala ring disiplina.

Ako? May disiplina naman ako. Sumusunod ako sa batas. Pero sa blog na ito, pasaway ako. Sabi ko nga, sinusunod ko lang ang turo ni Kristong Duterte, sa pula-sa puti.

Huwag mong sambitin ang pangalan ni Duterte nang walang kabuluhan, pero ayos lang magmura.

Kayong mga kampon ni Duterte, bago n’yo ipananggalang sa akin ang Davao City sa tuwing makikipagtalo ako sa inyo, siguraduhin n’yo munang nakatira o nakapunta man lang kayo sa Davao City. Ang problema kasi sa inyo, wala kayong ibang alam kay Duterte kundi Davao City. Wala kayong pinagkaiba kay Binay na walang ibang bukambibig kundi Makati City.

Nakapunta na ako sa Davao City. Maayos naman siya at progresibo, pero kung tatanungin mo ako kung gugustuhin kong tumira roon, hindi ang isasagot ko. Hindi siya kasing-unlad ng Cebu City at hindi kasimpayapa ng Batanes (zero crime rate). Sa tingin ko, mas maganda pang tumira sa Star City o sa SM City.

Huwag kang papatay, maliban na lamang kung sa tingin mo ay mandurukot siya o gumagamit ng droga.

Kay Duterteng manunubos na mismo nanggaling na pumapatay siya ng maliliit na kriminal. Kung Kristyano ka, paano mo naaatim ang ganitong paniniwala? Hindi ka ba natatakot na baka ikaw naman ang mapagkamalang kriminal at patayin nang walang paglilitis?

At ano na lang ang mangyayari sa kapulisan at sa mga korte natin kung ganitong uri ng hustisya ang paiiralin natin? Naniniwala akong mas dapat pagtibayin ang mga institusyon sa bansa, gaano man kahirap o kabagal, sa halip na ilagay sa sariling kamay ang batas. Nakakatakot ang bansang lahat ay nag-aastang si Batman.

Huwag kang magsasabi ng hindi totoo sa iyong kapwa, pero ayos lang mag-post sa Facebook ng mga pekeng meme at hoax.

Nakakainit din ng ulo yung mga memes at posts sa Facebook tungkol kay Duterte na hindi naman totoo o kaduda-duda ang pinanggalingan. Hindi ba kayo nag-iisip? Basta pabor sa idol n’yo, tama agad? At kapag di pabor sa idol n’yo, kulang na lang ay ipapatay n’yo yung taong nag-post no’n?

Saan kayo kumukuha ng kabobohan at karahasan sa katawan? Ay, bakit ko ba tinanong pa? Saan pa ba kundi kay Panginoong Duterteng makapangyarihan sa lahat, maging sa batas ng tao.

Huwag kang makikiapid, pero ayos na ayos kung marami kang babae maliban sa asawa o kasintahan mo.

Wala akong pake sa ginagawa ni Duterte sa kwarto n’ya, pero kung ipangangalandakan niya ang kanyang kabastusan sa mga babae, kung hihipuan at hahalikan n’ya lahat ng babaeng makasalubong n’ya sa pangangampanya n’ya, at kung ina o kapatid ko ang gaganunin n’ya, makakatikim s’ya sa akin.

Hindi ko s’ya ipapapatay dahil di naman ako katulad n’ya. Mumurahin ko lang siguro s’ya, tulad ng ginagawa n’ya sa mga kumakalaban sa kanya. Parang ganito:❤ Puta ang ina mo, diyos naming Duterte.❤

Manalangin tayo:

Duterte namin, sumasadavao ka,
Sambahin ang ngalan mo,
Mapasaamin ang katarantaduhan mo,
Sundin ang loob mo kahit labag sa batas.

Bigyan mo kami ngayon ng bagong meme sa araw-araw;
At patayin natin ang lahat ng may sala,
Para nang pagpatay mo sa mga maliliit na makasalanan;
At hayaan mo kaming magpadala sa tukso,
At iadya mo kami sa lahat ng tingin mo ay masama.

Amenhotep.