Ma-hal

by Sankage Steno

Mahal kita kasi…

50. Kahit lingguhan ka lang umuwi noon, ramdam ko ang pag-aalaga mo sa akin sa buong linggo.

49. Hinahalikan mo ‘ko bago ka pumasok sa iyong trabaho.

48. Binibigyan mo ‘ko ng limang pisong papel dati bago ka pumasok.

47. Kinakampihan mo ‘ko sa maraming bagay, sa maraming pagkakataon.

46. Kahit di kita kakampi minsan, hindi ko naramdamang kaaway kita.

45. Pinapabanguhan mo ‘ko ng matapang na pabango kahit ayaw ko ang amoy, pero sabi mo mabango s’ya, at naniniwala naman ako minsan.

44. Kinukwentuhan mo ‘ko ng mga nangyayari sa ‘yo sa trabaho o sa kahit anong bagay na interesante para sa ‘yo.

43. Sinasabi mo sa ‘kin ang mga problema mo, pati na ang mga pinagkakautangan mo, kaya alam kong may saysay ang opinyon ko sa ‘yo.

42. Nakikinig ka sa mga sinasabi ko kahit alam kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay sumasang-ayon ka sa ‘kin.

41. Nililipat mo minsan ang dayoff mo para lang matapat sa dayoff ko para magka-bonding tayo nang matagal.

40. Pinagtitira mo ‘ko ng ulam, at madalas ‘yung malaking serving pa, kahit alam mong di na ‘ko kasintakaw tulad nu’ng mas bata pa ako.

39. Bihira kang tumutol sa mga gusto kong gawin sa buhay ko.

38. Kapag tumututol ka sa gusto kong gawin, hindi mo ipinipilit ang sarili mong gusto, at hinahayaan mo pa rin akong magpasya.

37. Never mo pa akong sinampal o sinuntok o pinalo.

36. Lagi mo ‘kong pinagdarasal kahit pa ako mismo ay hindi ko pinagdarasal ang sarili minsan.

35. Pilit mo ‘kong inilalapit sa Diyos na lagi kong kinukwestyon at pinagdududahan hanggang ngayon.

34. Nilalagyan mo ng bimpo o dyaryo ang likod ko kapag basa ng pawis.

33. Gumagawa at humahanap ka ng paraan, kahit ipangutang mo pa, para lang maibigay sa akin ang mga kailangan o gusto ko.

32. Isinasama mo ako sa outing ng opisina mo kaya siguro nahilig akong maglakwatsa at magpunta sa kung saan-saan.

31. Bihira kang magluto, pero kapag nagluto ka, sinisigurado mong laging special ang gawa at ihahain mo sa akin.

30. Bukod sa Diyos o sa iyong pananampalataya, sa akin ka kumukuha ng lakas kapag nahihirapan ka na sa mga problema mo o natin.

29. Itinuro at ipinakikita mo sa ‘kin ang maging sobrang linis sa katawan.

28. Nagte-text ka o tumatawag para sabihan ng “mwah mwah tsup tsup” sa dulo.

27. Tinatawanan mo ang karamihan sa mga jokes ko.

26. Pinapahiram mo sa ‘kin ang iPad mini mo kahit alam kong adik na adik ka na rin sa mga games.

25. Ako ang tinatanong o kinokonsulta mo kapag meron kang hindi alam.

24. Lagi kang may uwing pasalubong galing sa trabaho.

23. Ibinibili mo ‘ko lagi ng Oreo Doublestuf o chocolates, kahit pa ‘yung mumurahin lang dahil alam mong paborito ko ‘yon.

22. Sinasabihan mo ‘ko laging ‘wag kumain ng mga paborito kong pagkain dahil bawal sila sa akin.

21. Lagi kang nangungumusta lalo na kapag napapadpad ako sa malalayong lugar.

20. Ipinagmamalaki (o ipinagyayabang) mo ‘ko at ‘yung mga achievements ko sa iyong mga katrabaho o kakilala.

19. Lagi kang nakakunyapit sa braso ko kapag naglalakad sa kalsada, lalo na kapag tumatawid tayo.

18. Pinapayungan mo ‘ko kahit pa di hamak na mas matangkad ako sa ‘yo.

17. Pinaprangka mo ‘ko minsan kahit di ko gusto ‘yung naririnig ko o kahit pa masakit para sa ‘kin.

16. Tumatahimik ka kapag ako naman ang nagpapakaprangka o kapag mainit ang aking ulo.

15. Nangangarap ka para sa akin.

14. Alam kong, kahit hindi pa nangyayari, ipaglalaban mo ‘ko hanggang kamatayan, anuman ang mangyari.

13. Pinagpapasensyahan mo ang kabaliwan, kakulitan, kapusukan, katigasan ng ulo, kakitiran ng utak, kasobrahan ng nalalaman at katangahan ko minsan.

12. Bumibili ka ng dyaryo at binabasa ang mga sinusulat ko kahit hindi pa ito interesting madalas o kahit pa wala itong kinalaman sa ‘yo.

11. Pinag-aartista mo ‘ko kahit ayaw ko dahil naniniwala kang mas may itsura, talino at talent ako kumpara sa ibang napapanood mo sa TV.

10. Simula nang mamatay si papa, ikaw na ang umako sa lahat ng responsibilidad sa pamilya, damay na rin ang mga kamag-anak nating nakaasa lahat sa ‘yo.

9. Wala kang paborito sa aming magkakapatid at mahal mo kaming lahat nang pantay-pantay.

8. Nagtitiis ka sa hirap, sama ng loob at kung anu-ano pang pasakit para lamang buhayin kaming lahat na nakadepende sa ‘yo.

7. Hindi ka sumusuko sa sobrang dami, walang katapusan at paulit-ulit na mga problema.

6. Ibang klase ang kalakasan at katatagan mo.

5. Habang tumatagal, lalo kang gumaganda sa loob at sa labas.

4. Mas mahal mo kaming mga anak mo higit pa sa sarili mo.

3. Kahit pa hindi mo lubusang naiintidihan, tinanggap at iniintindi mo kung sino at ano talaga ako.

2. Mahal mo si papa.

1. Ikaw ang nag-iisa kong mama.

Ma, happy birthday! Mwah mwah! Tsup Tsup!

Advertisements