Walpurgisnacht

by Sankage Steno

Around 2am nitong nagdaang summer.

Natutulog ako sa kwarto ng nirerentahang apartment sa may EDSA malapit sa Ilog Pasig sa Guadalupe. Nagising ako dahil sa napakasangsang na amoy. Ambaho n’ya talaga, parang imburnal. First time kong magising dahil sa amoy. Inisip ko agad na baka nasira ‘yung septic tank ng apartment o baka dala ng natutuyong tubig sa Ilog Pasig; ‘yung ilalim kasi nito e puro burak at basura. Baka kako ‘yon ang source.

Pinilit kong matulog ulit pero di ko talaga matagalan ‘yung amoy. ‘Yung dalawa ko pang kasama sa kwarto, mahimbing na mahimbing ang tulog. Then, biglang dumating ‘yung friend ko galing sa laro, mga 3am na siguro. Pagkapasok n’ya sa kwarto, tinanong ko kung naaamoy n’ya ‘yung mabaho. Umoo naman s’ya, ta’s natulog din. Hindi ko ma-gets kung pa’no n’ya nakayanan ‘yung amoy.

After an hour, sumuko na ‘ko sa amoy-imburnal. Lumipat ako sa sala at du’n natulog sa sofa. Around 4am na nu’n. Habang nakatagilid pakanan, nanaginip ako. Nakalimutan ko na kung ano pero nakakakiliti s’ya (Hi hi hi), then biglang nagdilim sa panaginip ko. After a few seconds, biglang may sumigaw na babae. ‘Yung sigaw na parang pinapatay ng psycho killer sa banyo.

Biglang dilat ako at kinilabutan. Umiba ako ng pwesto sa pagkakatulog. Tumihaya ako kaya kaharap ko na ‘yung kisame. Nakatulog naman ako agad at nanaginip ulit. Sa kalagitnaan ng panaginip kong hindi ko na rin matandaan, nagbago na naman ng eksena at nagdilim. Tapos biglang sumigaw na naman ‘yung kung sinong babae na para talagang pinapatay.

Sa ibabaw ko nanggaling ‘yung sigaw, so ang ginawa ko pagkamulat, tumagilid ulit ako pakanan. Bale ipit ng unan ‘yung kanang tenga ko at ‘yung kaliwa na lang ‘yung free. Kung me sisigaw ulit sa panaginip ko, for sure sa kaliwang tenga s’ya tatapat. Then nakatulog na naman ako agad.

Mag-a-alas singko na nu’n. Sa panaginip ko, bumaba ‘yung isa kong friend from another room at inakala kong umaga na talaga. Sa loob-loob ko, ang aga naman nitong maliligo. Baka may meeting sa office. Then, saka ko nalaman na panaginip pa rin pala nang magdilim na naman at biglang may sumigaw.

This time, saktung-sakto ‘yung sigaw sa kanang tenga ko na ipit ng unan. Parang sa loob ng sofa nanggaling ‘yung sigaw ng babaeng pinapatay. Napadilat na naman ako bigla at sobrang kinilabutan na. Madilim pa rin sa bahay. Ine-expect ko talaga na may magpapakitang multo o demonyo sa harap ko.

Natatakot na ‘ko pero nagtapang-tapangan na lang ako. Kinausap ko sa isip ko ‘yung kung sinumang multo o demonyong babae ang naninigaw sa ‘kin. Parang ganito ‘yung sinabi ko sa kanya: Hindi mo ‘ko matatakot, gago ka. Napahingi rin ako ng tulong kay God nang di oras, pero di ko na maalala kung ano dinasal ko.

After nu’n, hindi na ‘ko nanaginip. Nagsipagbangunan na rin ‘yung iba kong kasama sa apartment. ‘Yung mga sumunod na gabi, wala na rin ‘yung masangsang na amoy. Hindi na rin ako nasigawan ng pinapatay na babae.