Si Mar o ako?

by Sankage Steno

Sabi ni Mareng Miriam, may tatlong requirements daw s’ya para maging mahusay na pangulo ng Pilipinas: 1) academic excellence, 2) professional excellence at 3) moral excellence.

Syempre, ginamit ko rin yung kanyang panukat sa sarili ko para malaman kung karapat-dapat akong mamuno sa Pilipinas kong mahal. Pero bago ako magyabang, balikan natin yung sagot ni Mar Roxas para malaman natin kung may pangkabog ba s’ya sa credentials ko.

MAR ROXAS

  • Sa acads, sabi n’ya graduate daw s’ya ng Wharton, one of the best business schools in the United States. Ok, fine.
  • Sa profession, naging senador s’ya, plus kongresista at miyembro ng gabinete nina Erap, Gloria at Noynoy. Taray, ‘no?
  • Sa integrity naman, sinabi n’yang ni minsan daw sa mahigit 20 taong panunungkulan n’ya sa gobyerno, hindi raw nabahiran ng kahit anong anomalya ang kanyang pangalan. Totoo naman.

Pasado naman si Pareng Mar, ‘no? Better than the other three presidentiables. Syempre, si Miriam ang numero uno para sa akin sa ganyang criteria, pero may sakit s’ya at kumampi s’ya kay Marcos kaya hindi ko s’ya iboboto. Plus, hindi na s’ya ganu’n kagaling tulad ng dati.

Tingnan naman natin ang credentials ko gamit ang panukat ni Miriam.

SANKAGE STENO

  • Sa acads, nagtapos ako sa Unibersidad ng Pilipinas, the BEST university in the entire Philippine archipelago. Sinong kokontra?
  • Sa profession, nagtrabaho ako sa pahayagan, sa magasin, sa telebisyon, sa KPO at sa online websites. Nagturo rin ako sa kolehiyo at sa mababang paaralan.
  • Sa integrity, ni minsan ay hindi pa nabahiran ang pangalan ko ng kahit anong isyu ng korapsyon o paglabag sa karapatang-pantao.

Sinong mas matimbang sa amin ni Pareng Mar? Sinong mas karapat-dapat maging pangulo ng bansa?

Pero, teka lang, meron pang sinabi si Mar na baka isipin mong ikalamang n’ya sa akin. Nabanggit n’ya sa debate noong Linggo na marami na raw s’yang nabanggang malalaking interes para ipaglaban ang kapakanan ng mga Pilipino. Kasama sa mga kinalaban n’ya ay ang mga pharmaceutical at insurance companies.

Ok, fine.

Para sabihin ko sa inyo, mas marami akong binanggang malalaking interes para ipaglaban di lang ang mga kapwa ko Pilipino kundi maging ang mga taong nasa laylayan ng lipunan.

Marami na ‘kong binangga sa blog na ito, kabilang na ang Iglesia ni Cristo, ang pamilyang Marcos, maging ang mga Alma Mater ko (UP at SMCB), mga conyo, ang kapatid ng ating pangulo at, itong pinakahuli nga, ang mga supporter ni You-Know-Who.

Sinong mas matibay sa ‘min ngayon ni Mar, aber?

Ang tanging lamang lang naman sa akin ni Mar ay si Korina (Or so I think). Kung magiging pangulo s’ya, meron s’ya agad na First Lady. Ako, wala. E hindi ko naman kailangan ng First Lady. Ang kailangan ko ay First Gentleman.

Kaya kung sa tingin mo e ikaw na yung nakatakdang maging First Gentleman ko, aba e i-message mo na ‘ko, ano ba! Pakibilisan naman. Ang tagal na kitang hinahanap. I’m so lonesome I could cry.😥